‘Banal na aso, santong kabayo’
- BULGAR
- Oct 11, 2023
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | October 11, 2023
Nakalaya pansamantala ang drag artist na si Pura Luka Vega matapos na magpiyansa para sa kasong isinampa sa kanya na paglabag sa Artikulo 201 ng Revised Penal Code.
Ito ay may kinalaman sa pagtatanghal niya sa isang bar ng remix ng dasal na “Ama Namin” na nasusulat sa Bibliyang itinuro ng Dakilang Tagapagligtas na si Hesus. Kinanta ito ni Vega sa kanyang drag performance kamakailan habang nakabihis na tila Nazareno.
Ang pagtatanghal na iyon ay umani agad ng napakaraming batikos mula sa mga senador, mga kinatawan sa Kamara at mga relihiyosong grupo. Sunud-sunod na sambulat ng galit ang tinanggap ni Vega, kabilang na ang pagdedeklara sa kanya bilang “persona non grata” sa maraming probinsiya.
“Blasphemy” o paglapastangan sa Diyos anila, ang ginawa ni Vega at sila ay nasaktan bilang Kristiyano.
Sa puntong legal, ang tutumbuking isyu rito ay kung nasa ilalim ba o hindi ng proteksyon ng ating Konstitusyon na gumagarantiya sa freedom of speech at freedom of expression ang ginawa ni Vega, kahit hindi ito nagustuhan ng ilan. At kung ang mga relihiyosong grupo bang nagreklamo ay may karapatang magbigay ng depinisyon sa kung ano ang imoral, anong kilos ang malaswa at mahalay, at kung karapatan nilang magpatupad ng sarili nilang pamantayan ng moralidad kahit sa mga hindi naman kasapi ng kanilang organisasyon.
Hindi kaila sa lahat na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nagbitiw din noon ng mapangutyang pananalita tungkol sa Santo Papa at sa Diyos. Hindi lamang ito minsan ngunit ilan ring pagkakataon. Ang kaibahan, noon ay nanahimik ang mga dapat umimik.
Ngayon, nag-uunahan sa pagkondena ang mga sektor kay Vega.
Sa punto naman ng pananampalataya, kung si Hesus na ginaya ni Luka ay nasa ating kalagitnaan ngayon, ano kaya ang kanyang gagawin at sasabihin? Sino kaya para sa kanya ang tunay na makasalanan at sino kaya ang totoong banal? Ang namumukol ba ng mga bato o ang pinagtutulungang batuhin?
Magugunitang sa mismong panahon ni Hesus ay pinagtulungan siya ng mga tao sa anila ay kalapastanganan sa Diyos na kanya raw ginawa. Kaya’t nagplano sila para maaresto at litisin, hanggang siya ay parusahan at mamatay sa krus.
Pinaglatayan siya sa sunud-sunod na hampas, pinagbuhat ng krus habang halos mahandusay na, at saka nila tuluyang ipinako sa krus.
Samantala, bumubuhos pa rin ang emosyon ng poot laban kay Vega na tila naglalagablab na apoy.
Sa kabilang banda sa maraming pagkakataon, ang mga dapat na naririnig nating nagsasalita tungkol sa mga bagay na mas nakakagalit ang nananahimik na lamang kapag nasa kapangyarihan na ang kanilang babanggain. Samantalang nagmamadali pa silang bumira at manindak kapag walang kapangyarihan at hindi nila kailangan ang kanilang tatamaan.
Batid naman ng mga mamamayan kung sino ang totoong may malalim na moralidad, kung sino ang mas nakakapanakit ng kanilang kalooban, at kung sinu-sino ang nagpapalugmok sa ispirituwal at pisikal nilang kalagayan.
Puntirya ni Hesus noon sa mga lider ng simbahan, “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo ay mga libingang pinaputi, magaganda sa labas ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. Sa paningin ng tao’y mabubuti, ngunit ang totoo’y punung-puno ng pagkukunwari at kasamaan.”
Wala tayong pinapanigan patungkol dito, ang nais lang natin ay magpakatotoo tayo sa mga bagay at suriing mabuti ang ating sarili bago humusga o humatol ng kapwa.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




Kaugnay ng mga binanggit ni Bb. Judith Sto. Domingo na salita mula sa Banal na Biblia na matatagpuan sa Mateo, Kabanata 23,: 27-28, at sa pangwakas na paragraph ng kaniyang kolum, sinabi rin ng Panginoong Hesukristo sa mga Pariseo, Guro sa Batas at Nakatatanda: "Bakit nakikita ninyo ang puwing sa mata ng inyong kapatid, ganoong hindi naman ninyo nakikita ang troso sa inyong mata? Paano ninyo masasabi na 'kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa inyong mata kung mismong ang troso sa inyong sariling mata ay hindi ninyo maalis? Mga ipokrito, alisin muna ninyo ang troso sa inyong mata para magliwanag ang inyong paningin at nang maalis ninyo ang puwing sa mata ng inyong kapatid." (Mateo 7: 3-5).