top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Balik na naman ang maitim na hangin sa Metro Manila

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 22, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 22, 2021



Marso 15 noong nakaraang taon nang magdeklara ng community quarantine ang pamahalaan sa iba’t ibang bahagi ng bansa at ilang panahon ding nawala ang mga sasakyan sa buong Metro Manila.


Mahirap sa panig ng mga kababayan nating nais magtungo sa nais nilang puntahan dahil walang masakyan ngunit nagdulot naman ito ng positibong resulta sa ating kalikasan makaraan ang ilang buwan.


Ayon sa mga eksperto ay nagkaroon umano ng malaking pagbabago sa nalalanghap na hangin sa buong Metro Manila mula nang pansamantalang mahinto ang paglabas sa kalye ng mga sasakyan.


Maging ang napakaitim na usok na tila isang napakaitim na ulap na nakakulapol sa tapat ng bahagi ng Metro Manila ay unti-unti umanong nagliwanag at kahit sandali ay nakaranas ang marami na makalanghap ng sariwang hangin.


Ang mga namamasyal sa overlooking area ng Antipolo City ay napansin ang malaking pagbabago sa Metro Manila dahil malinaw na nilang naaaninag ang mga gusali na dati-rati ay natatakpan ng maitim na usok.


Ngunit ngayong unti-unti ay nagbabalik na lansangan ang mga sasakyan ay muli na namang nagbabalik ang dating sitwasyon sa Metro Manila na lubhang napakarumi ng hangin.


Base naman sa paliwanag ng Department of Health (DOH) ang hanging tinatamasa natin ngayon sa buong Metro Manila ay nagdudulot ng non-communicable diseases kahit marumi ito sa ilong.


Ngunit hindi ito ligtas dahil may mga sakit ding nakukuha sa maruming hangin tulad ng allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases.


Kaya malaking tulong din ang pagsusuot ng face mask sa panahong ito lalo na sa mga taong lantad sa lansangan tulad ng mga traffic enforcer, tindero, pasahero, tsuper at mga kahalintulad nila na madalas sa kalye.


Hindi nila maiwasang malanghap ang maruming hangin mula sa usok ng mga sasakyan, mga sinusunog na basura, plastic, goma at iba pang harmful wastes na masama sa ating kalusugan.


Ang Greenpeace Southeast Asia at ang Center for Research on Energy and Clean Air ay may pag-aaral na ang usok mula sa mga sasakyang gumagamit ng gasolina, diesel at maging ang sinusunog na coal ang isa sa mga dahilan ng kamatayan ng maraming Pilipino.


Umaabot umano sa 27,000 katao ang binabawian ng buhay taun-taon dahil sa nakalalasong hangin ayon sa kanilang pag-aaral at ikatlo ang ating bansa sa buong Asya na marami ang namamatay dahil sa air pollution.


Nakakaalarma rin ang ulat na umaabot sa mahigit P304 bilyon ang nawawala sa ating ekonomiya dahil lamang sa air pollution at 80 porsiyento ng pinagmumulan nito ay ang mga sasakyang hindi maayos ang maintenance.


Nakadagdag pa ang inilabas na ulat ng United Nations (UN) na lahat ng bata sa buong mundo ay bigo umanong bigyan ng proteksiyon laban sa mapanganib na kalusugan dulot ng climate change kabilang na ang air pollution.


Lumalabas na ang labis na carbon emissions ay banta sa kinabukasan ng mga bata at papasanin nila ang karagdagang mga panganib sa kalusugan mula sa nakamamatay na heat waves hanggang sa pagtaas ng pagkalat ng mga tropikal na sakit.


Kaya napapanahon ang inilunsad ng Land Transportation Office (LTO) na Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) na mayroong gadgets at apparatus na siyang magdedetermina ng accurate evaluation kung nasa kondisyon pa ang sasakyang kailangan na ngayon bago magparehistro.


Sa makabagong paraang ito ay makatitiyak na makaiiwas ang lahat sa aksidente at makasisigurong hindi magbubuga ng maitim na usok ang sasakyan na siya nating kailangan para mapanatiling malinis ang ating hangin sa kapaligiran.


Hindi na ngayon mairerehistro ang mga sasakyang nagbubuga ng maitim na usok dahil hindi na puwede ang palusot sa PMVIC na computerized din ang inilalabas na resulta ng eksaminasyon.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page