Balik-cashless toll collection sa expressway, ‘di sana pahirap sa mga motorista
- BULGAR

- Feb 16
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Feb. 16, 2025

Para sa mga motorista, napakasarap magbiyahe kapag mabilis o walang trapik na binabagtas nila ang mga lansangan. Pero, paano kung sa pagpasok nila sa mga expressway ay makita na naman ang napakahabang pila ng mga sasakyan habang hindi nila alam ang dahilan ng trapik?
Inanunsyo kasi ng Toll Regulatory Board (TRB) na muling ipapatupad ang cashless o contactless toll collection sa lahat ng expressway sa March 15, 2025.
Ang implementasyon, anang ahensya, ay mangyayari ilang buwan pagkatapos ng dry run ng contactless transactions program.
Ayon sa TRB, ang mga toll expressway user ay dapat may valid na Electronic Toll Collection (ETC) device o Radio Frequency Identification (RFID) sticker na naka-install sa kanilang mga sasakyan dahil paliwanag nila, ang mga cashless o contactless payment ay mapapabuti ang paggamit ng lahat ng toll lanes o plaza sa pamamagitan ng ETC System.
Nagbabala naman ang TRB na ang mga sasakyang walang valid RFIDs ay iisyuhan ng temporary operator’s permit o show cause order para sa paglabag sa polisiyang “No Valid ETC Device, No Entry”.
Ang mga motor vehicle na walang valid na ETC Device/RFID sticker ay papayagang dumaan sa mga toll plaza subalit dapat i-install ang ETC Device/RFID sticker sa mga designated na lugar sa labas ng toll plaza o sa pinakamalapit na installation site.
Binigyang-diin naman ng TRB na ang mga dedicated toll lane na ginagamit ng mga motoristang cash-paying ay kadalasang congested o puno at napakahaba ng pila ng mga sasakyan na madalas na nagdudulot ng pagbigat ng trapik patungo sa mga ETC-designated lane.
Matatandaang ang cashless toll collection program ay unang ipinatupad noong December 2020 subalit ito ay nasuspinde dahil sa ilang mga isyu sa pagpapatakbo nito.
Maganda naman ang layunin ng kinauukulan na ibalik ang pagpapatupad ng cashless toll collection sa mga expressway pero dapat mas maingat at binusisi nila ito nang husto para walang maging problema.
Maging mas maayos at maganda na sana ang daloy ng trapiko rito, pero siguro kapag ang mga lane na ito ay mahigpit na magamit lamang para sa ETC. Baka kasi matulad na naman ito noon na nagpahirap sa mga motoristang gumagamit ng expressway dahil sa samu’t saring mga isyu, gaya ng mga walang valid RFID, hindi mabasa ng machine ang RFID sticker, mga technical issues at iba pa.
Imbes na mapadali ang biyahe sa mga expressway ay mas lumala pa ang trapik kumpara sa mga pangunahing lansangan. Kaya tuloy ang mga motorista ay inaabot ng matinding stress hindi pa man sila nakakarating sa pupuntahan.
Hiling natin sa kinauukulan na lagi sanang pag-isipang mabuti ang mga programa at proyekto bago simulan o ipatupad, ‘yung totoong magbibigay ng pakinabang sa mamamayan nang sa gayon ay hindi pumalpak o magkamali, habang magtuturuan at magsisisihan sa huli.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments