top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Bakuna para makamtan ang herd immunity tungo sa normal na pamumuhay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 27, 2021
  • 3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo |November 27, 2021



Inaanyayahan natin ang lahat na hindi pa bakunado kontra COVID-19 na sumali sa nalalapit na National Vaccination Days na gaganapin mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1. Layunin ng ‘Bayanihan, Bakunahan’ na magbakuna ng limang milyong katao kada araw sa mga rehiyon maliban sa Metro Manila para maabot ang target ng gobyerno na makamit ang population protection bago matapos ang taon.


Upang masiguro ang tagumpay ng programa, nananawagan tayo sa mga ahensiya ng gobyerno, lokal na pamahalaan at sa buong sambayanan na makipagtulungan.


Suportahan natin ang medical community at ang kasundaluhan, kapulisan at iba pang law enforcement agencies na tutulong para maisaayos ang programang ito.


Pakiusap sa mga nag-aalinlangan na magpabakuna, ‘wag tayong matakot. Kung marami ang nababakunahan, mas bababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19. Maraming sektor ng ekonomiya ang mabubuksan, at makababalik sa kanilang trabaho ang mas marami nating mga kababayan tungo sa normal na pamumuhay.


Habang patuloy nating binabakunahan ang ating mga kababayan, tuluy-tuloy din ang pagtulong ng ating opisina sa mga apektado at nangangailangan sa panahong ito ng pandemya. Mula Nobyembre 20 hanggang Nobyembre 25, patuloy tayong nag-abot ng tulong sa ating mga kababayan mula sa iba’t ibang sektor.


Unang-una, nagpadala tayo ng agarang tulong sa mga kababayan nating nasunugan, tulad ng 200 pamilya sa Bgy. Manresa sa Quezon City na personal kong binisita; 35 pamilya sa Parañaque City; 40 sa Las Piñas City; at 63 pamilya sa Davao City. Mayroon din tayong 300 kababayang naapektuhan ng pagbaha sa Davao City na atin ding sinaklolohan.


Mula naman sa iba’t ibang sektor, nakapag-abot din tayo ng suporta sa 393 micro-entrepreneurs at indigents sa Bacoor City at General Trias sa Cavite; 3,000 scholars sa Siniloan, Laguna, 612 indigents sa Caloocan City; 2,002 rin sa Tinglayan at Tabuk sa probinsya ng Kalinga; 716 hog farmers na naapektuhan ng African Swine Flu sa Tagudin, Ilocos Sur; 2,176 na mahihirap naman sa Cauayan, Cabatuan, San Mateo, Echague, at Reina Mercedes sa probinsya ng Isabela; at 472 micro-entrepreneurs sa Looc, San Agustin, Ferrol, Odiongan, San Andres, Romblon, at Santa Fe sa probinsiya ng Romblon.


Tuluy-tuloy din ang pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan sa Visayas, kung saan 24,000 na residente mula sa iba’t ibang sektor sa Cadiz City, Escalante City, Sagay City, San Carlos City, Don Salvador Benedicto, Silay City, Victorias City, Calatrava, E.B. Magalona at Murcia, Negros Occidental; 8,000 na residente sa Alimodian, Igbaras, Leon, Maasin, Mina, Toboso, Barotac Nuevo, Dingle at Tubungan, Iloilo; 3,000 sa Nueva Valencia, San Lorenzo at Sinubag, Guimaras; 6,200 sa Basey, Marabut, Pinabacdao, Santa Rita, Talalora at Villareal, Samar; 1,019 na rice farmers sa Javier, Leyte; at 434 displaced workers sa Caibiran, Culaba at Kawayan sa Biliran.


Tinulungan din natin ang 2,522 rice farmers sa Lambayong at President Quirino, Sultan Kudarat; 1,471 rice farmers sa Tulunan, North Cotabato; 644 transport workers sa New Bataan, Davao de Oro; at 3,970 sa Claver, Del Carmen, Malimono, Tagana-an, Sison, Dapa at Tubod sa Surigao del Norte.


Maliban pa riyan, binisita rin natin ang Malasakit Center sa Dr. Jorge Royeca Hospital sa General Santos City upang mag-abot ng tulong sa indigent patients at frontliners.


Kasabay nito, ang pamimigay namin ng tulong sa 1,392 solo parents, 289 displaced workers, at 300 katao pang naapektuhan ng sunog sa General Santos City.


Samantala, hinggil sa kandidatura ng inyong lingkod sa pagka-Pangulo, patuloy tayong humihingi ng patnubay sa Panginoon dahil naniniwala tayong ang presidency is a matter of destiny.


Kailanman, hindi natin pinangarap ang tumakbo sa pagka-Pangulo. Aaminin nating tao lang na nasasaktan at napapagod din.


Isang simpleng probinsiyano lang tayo na binigyan ng Panginoon at ng mga Pilipino ng pagkakataong manilbihan. Hindi pulitiko at hindi rin galing sa malaki o kilalang pamilya.


Wala naman tayong ibang hangad kundi ang magserbisyo sa kapwa.


Sa ngayon, ipinapaubaya natin sa Diyos at sa mga Pilipino ang lahat. Ang mahalaga ay patuloy tayong makapagserbisyo sa ating kapwa Pilipino


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page