Bakuna na itinurok sa PSG, oks lang kahit ilegal, tsk!
- BULGAR

- Jan 7, 2021
- 2 min read
Updated: Jan 9, 2021
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 7, 2021
Happy New Year sa lahat!
Salamat at lumipas na rin ang 2020. Pero simula pa lang ng taon ay may isyu na tayong pag-uusapan. Kung ang mga salitang ‘quarantine’, ‘lockdown’ at ‘pandemic’ ang madalas nating marinig last year, malamang ay ‘bakuna’ na ang karaniwang salita na mababanggit ngayong bagong taon.
Pero wala pang bakunang nakukuha ang gobyerno para sa mga Pinoy. ‘Yan ang opisyal na katayuan ng Food and Drug Administration (FDA). Wala pang inaaprubahang bakuna para maipamahagi sa publiko — maliban na lang kung miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Buking na nabakunahan na ang mga miyembro ng PSG. Ito ay ayon mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte. Samantala, nagpahayag na rin si PSG chief Brig. Gen. Jesus Durante III na sila lang ang nagdesisyon na mapabakunahan na ang mga miyembro ng PSG ng bakuna na hindi pa aprubado ng FDA ng Pilipinas.
Kaya, maraming tanong ang lumalabas ngayon na hindi diretsong masagot ng PSG at administrasyon. Paano nakapasok ang bakuna na ‘yan? Ayon sa Bureau of Customs, walang dumaan sa kanilang bakuna kaya sigurado smuggling ‘yan. Hindi ba krimen ‘yun?
At kung paniniwalaan si Durante na sila lang ang nagdesisyon na magpabakuna, sino ang kumausap sa Sinopharm para maipasok ang mga bakuna? Sino rin ang nagbayad?
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, regalo o donasyon ‘yun kaya walang nilabag na batas, kaya tapos na ang usapang ‘yan.
Kung ganun, alam pala nilang may pumasok na bakuna sa bansa kahit ilegal.
Ganito ang kasalukuyang administrasyon, kapag sila ang kumilos na labag sa batas, okay lang ‘yun. Pero ano ang silbi ng FDA kung hindi pala nila mapipigilan ang isang sangay ng gobyerno na kumilos ng ilegal?
Ano ang gagawin ng Bureau of Customs ngayong malinaw na smuggling ang naganap sa pagpasok ng bakuna? Maniwala tayong may mangyayari sa imbestigasyon ng NBI sa isyu na ito. Gayundin, ano ang katayuan ng DOJ kung malinaw na labag sa batas ang naganap? Kakasuhan ang buong PSG? At kapani-paniwala ba na ang PSG lang ang kusang nagdesisyon na magpabakuna, na sila lang ang kumausap sa Sinopharm, at naipasok nila ang bakuna na hindi alam ng ilang opisyal o ahensiya, o ng Palasyo mismo? Kung hindi PSG ang gumawa kaya niyan at sabihin natin ang mga tauhan ng tanggapan ng Vice-President ang kusang nagdesisyon tulad ng ginawa ng PSG para maprotektahan rin si Vice-President Leni Robredo, hindi kaya inaresto na sila agad at kinulong?
Tila ganito na ang kapulisan at militar sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno. Dapat maniwala ang publiko na wala silang nilalabag na batas sa lahat ng kanilang kilos, na dapat sila ang rinerespeto ng publiko.
Hindi man lang medical frontliners na talagang kailangan ng proteksiyon ang unang binigyan ng bakuna. At sa kabila ng isyung ito, wala pa ring linaw kung kailan magkakaroon ng legal na bakuna na ipinasok sa bansa at aprubado ng FDA para sa mamamayan.





Comments