Bakuna muna bago pulitika!
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 1, 2021
Natutuwa tayong ibalita na malapit na nating maabot ang 50% threshold para sa population protection laban sa COVID-19. Nitong September 28, 2021, pumalo na sa 45.15 milyong dose ng bakuna ang naiturok sa ating mga kababayan sa tulong ng mga healthcare workers at volunteers.
Nasa mahigit 21.1 milyong indibidwal na ang nakakumpleto ng bakuna at 24.04 milyon naman ang naturukan ng unang dose. Sa kasalukuyan, nakatanggap na ng humigit-kumulang 71.32 milyong doses ang bansa at inaasahang may darating pang dagdag na 20 milyong doses sa Oktubre at marami pa sa susunod na mga buwan.
Dahil sa maayos na supply ng bakuna at mabilis na rollout nito, bubuksan na rin ngayong Oktubre ang vaccination program sa general population upang mas mabilis nating marating ang herd immunity. Bukod dito, posible na ring simulan na ang pagbabakuna sa mga edad 12 hanggang 17 base sa payo ng mga eksperto. Kaya para sa mga hindi pa bakunado, huwag nang mag-alinlangan pa dahil buhay natin at ng mga mahal natin sa buhay ang nakasalalay rito.
Gusto nating muling ipaalala sa lahat na ang pagpapabakuna ang pinakamabisa at tanging armas upang wakasan ang pandemyang ating kinahaharap. Kung patuloy na darami ang bilang ng mga bakunado ay mas mabilis tayong makababalik sa normal nating pamumuhay at mas mabilis na makababangon ang ekonomiya.
Upang mas maengganyo ang ilang nagdadalawang-isip na magpabakuna, dapat pag-aralan din nang mabuti ang pagbibigay ng mga insentibo sa mga bakunado tulad ng mas maluwag na mga patakaran. Maaaring puwede na silang kumain at makapasyal sa labas, makapagtrabaho at makagalaw nang walang masyadong restrictions. Ganito ang sitwasyon sa ibang bansa at umaasa tayo na hindi na nalalayo na maging ganun din ang sitwasyon dito.
Ginagawa ng gobyerno ang lahat upang masiguro ang kaligtasan ng lahat para wala kahit isang Pilipino ang maiiwan tungo sa muling pagbangon. Kaya bilang suporta sa bayanihan laban sa COVID-19 ay patuloy ring nag-iikot ang ating opisina sa iba’t ibang sulok ng bansa upang mag-abot ng tulong sa mga kababayan nating lubos na naapektuhan ng krisis at iba pang mga sakuna.
Mula Setyembre 25 hanggang 30 ay namigay tayo ng tulong sa mahigit 12,000 na magsasaka, mangingisda at iba pang manggagawa sa Bayog, Kumalarang at Zamboanga City, Zamboanga del Sur; mahigit 5,000 na indibidwal sa Cebu City, Dalaguete, at Pinamungajan sa Cebu province; mahigit 7,000 na market vendors at tricycle drivers sa Asingan, Balungao, at San Manuel sa Pangasinan; 3,000 na indigents sa Carigara, Capoocan, Kananga, Merida at Palompon, Leyte; 1,500 na essential workers sa Pinabacdao at Calbayog City sa Samar; 50 na pamilyang benepisyaryo sa isinagawang Barangayanihan Caravan ng mga ahensya sa Catarman, Northern Samar; 1,000 na mahihirap sa Davao City; at mahigit 600 naman na economic frontliners mula sa 16 bayan ng Bulacan.
Nag-abot din tayo ng tulong sa mga nasalanta ng sakuna. Aabot sa 1,442 na biktima ng baha sa Talisay City, Cebu; 182 na pamilyang nasunugan sa Cebu City; 90 na pamilyang nawalan din ng tirahan dahil sa sunog sa Makati City, Taytay (Rizal), Marikina City, at Valenzuela City; at 500 na mga biktima ng bagyong ‘Bising’ sa Maslog, Eastern Samar.
Bilang pagkilala naman sa dakilang sakripisyo ng mga healthcare workers natin, tayo ay nag-author at co-sponsor ng panukalang ang layunin ay bigyan sila ng sapat na allowances and benefits habang nasa state of emergency tayo. Almost two years na silang nakikipaglaban sa pandemyang ito. Hindi naman mababayaran ng kahit anuman ang buhay, ngunit mahalaga na bilang pagkilala sa sakripisyo ng ating mga healthcare workers para sa ating bayan, bigyan natin sila ng dapat nilang matanggap at huwag na pong mahirapan pa.
Nag-co-sponsor din tayo sa panukalang magtatatag ng Vaccine and Health Passport Program. Importante ito para magkaroon tayo ng uniform proof of vaccination. Mahalaga rin ito sa mga OFWs na kailangang magpakita ng proof of vaccination sa kanilang mga destinasyon. Kailangan lang siguraduhin na acceptable ito na pruweba kung saan man sila magpunta upang makabalik sila sa trabaho at maiahon ang kanilang pamilya mula sa hirap.
At dahil nalalapit na ang susunod na halalan, bilang mamamayang Pilipino at representante ninyo sa Senado, umaapela tayo sa mga gustong tumakbo na palaging isaalang-alang ang interes at kapakanan ng ating mga kababayan. Unahin natin ang ating tungkulin na magserbisyo at proteksiyunan ang buhay ng ating kapwa bago ang ating pansariling interes.
Para naman sa mga opisyal ngayon, tandaan nating mayroon tayong trabahong dapat gampanan. Hindi dapat mawala ang ating focus sa tungkulin na magserbisyo, lalo na sa mga kababayan nating nangangailangan. Anuman ang ating kulay pulitika, iisa lamang ang ating layunin na malampasan ang pandemya.
Ito ang panahon ng pagtutulungan at bayanihan, hindi ng sisihan at siraan. Unahin muna nating malampasan ang pandemyang ito dahil kung hindi, baka wala na tayong pulitikang pag-uusapan pa.
Sa mga kapwa natin Pilipino, ang halalan ang pinakamahalagang kapangyarihan na mayroon tayo. Ito ang demokrasya na ipinaglaban ng ating mga ninuno. Pahalagahan at gamitin natin ito nang tama. Makiisa tayo upang maipaglaban ang kapakanan ng ating bayan at mabigyan ng mas maginhawa, ligtas at komportableng buhay ang ating mga anak tulad ng ipinaglalaban ng ating mahal na Pangulo ngayon.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments