top of page

Bakuna kontra-tigdas at iba pang sakit, dapat palawakin sa mga barangay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 2 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 17, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Batay sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), mahigit 5,000 kaso ng measles at rubella ang naitala sa buong bansa nitong nakaraang taon, mas mataas ng humigit-kumulang 30 porsiyento kumpara sa naitalang kaso noong taong 2024. Ayon din sa DOH, mahigit kalahati ng mga tinamaan ay mga batang wala o kulang ang bakuna, karamihan ay limang taong gulang pababa.


Bilang isang health reforms crusader, matagal ko nang binibigyang-diin na prevention is better than cure. Kapag hindi kumpleto ang bakuna, nagiging bukas ang bata sa mga sakit na dati na sanang napigilan. Kapag tinamaan ng measles ang isang bata, maaari itong mauwi sa pulmonya, dehydration, o iba pang komplikasyon. Sa rubella naman, delikado ito lalo na kapag nahawa ang buntis, dahil maaari itong magdulot ng congenital defects sa sanggol.


Ang measles at rubella ay hindi bagong sakit. May bakuna na laban dito sa loob ng maraming dekada. Sa mga health center sa barangay, libreng ibinibigay ang measles-rubella vaccine sa mga sanggol at bata bilang bahagi ng regular immunization program. Sa kabila nito, marami pa ring bata ang hindi naaabot—dahil sa kakulangan ng impormasyon o kaya'y takot sa bakuna. Tandaan po natin na mas mahirap kung magkaroon na ng outbreak ng sakit. Agapan na po natin at dalhin ang bata sa pinakamalapit na health center, sundin ang schedule ng bakuna, at makipag-ugnayan sa mga health worker.


Bilang Vice Chairman ng Senate Health Committee, patuloy kong isusulong ang mga programa para sa kalusugan ng kapwa ko mga Pilipino lalo na ang mga bata at iba pang vulnerable sector.


Samantala, nitong nakaraang mga araw, agad na nagbigay-tulong ang ating team sa mga biktima ng sunog sa Pasay City at Davao City. Tumulong din tayo sa ilang displaced workers sa Alegria at Moalboal, Cebu.


Habang tayo ay nagpapatuloy, kasama ang aking mga kapwa mambabatas, ipaglalaban ko ang mas marami pang inisyatiba sa kalusugan na makatutulong sa ating mga kababayan na nangangailangan, at palagi akong magsisilbi sa sambayanang Pilipino, dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page