Bakuna kontra COVID-19, magandang pamasko sa ating lahat
- BULGAR

- Dec 21, 2020
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 21, 2020
Sa wakas ay dumating na ang pinakahihintay nating bakuna laban sa COVID-19 na kahit wala pa sa ating bansa ay kitang-kita na ang katotohanang may pag-asa na tayong makawala sa pandemyang ito.
Parang kailan lang ng biglang kumalat ang misteryosong respiratory disease mula sa Wuhan, China na halos sumakop sa buong mundo na nagdala ng labis na pangamba dahil sa dami ng mga namamatay.
Halos isang taon tayong nakipaglaban at hanggang ngayon ay patuloy pa rin tayong nakikipaglaban sa pag-asang isang araw ay matutuklasan din ang solusyon sa pandemyang ito.
Sa dinami-rami ng bansang nag-uunahan para makatuklas ng bakuna laban sa COVID-19 ay halos sabay-sabay din silang kinakitaan ng husay para sugpuin na ang pandemyang ito na kumitil ng halos 1.5 milyong buhay sa buong mundo.
Ngayon ay heto, nagsimula na ang pagturok ng bakuna laban sa COVID-19 na sinimulan sa United Kingdom at inuna na ang mga taong may edad 80-anyos pataas dahil mas madali silang mahawa sa naturang sakit.
Nilapatan na rin ng naturang bakuna ang ilang nurses at iba pang manggagawa sa nursing home upang makasigurong magagampanan nila ang kanilang tungkulin ng ligtas laban sa COVID-19.
Ang United States Food and Drug Administration ay agad nagpalabas ng 53-pahinang ulat hinggil sa Pfizer/BioNTech na isa sa mga kandidato sa paggawa ng bakuna. Nakasaad ang suporta ng datos na ang naturang bakuna ay ligtas at nasa 95% na kayang pigiling mahawa sa COVID-19 ang isang tao.
Ang naturang bakuna na ginawa sa Belgium ay idinaan sa Eurotunnel na kumukonekta sa U.K. patungo sa continental Europe na ang unang shipment ay agad na dinala sa ilang piling pagamutan sa U.K.
Ang tagumpay na ito ng Pfizer/BioNTech ay tagumpay ng buong mundo at napakarami pa ng mga pharmaceutical company ang halos tapos na rin at isa sa mga araw na ito ay maaari nang gamitin sa iba’t ibang bansa.
Tulad ng Russia na meron ng sariling bakuna ang Sputnik V at ang China na inihahanda na rin ang pinal na presentasyon para sa distribusyon ng kanilang Sinovac vaccine.
Positibo naman ang ating pamahalaan na nakahanda tayo kahit may kakulangan sa pondo at tinitiyak na uunahin ang mga kababayan nating mahihirap na nais magpaturok ng bakuna laban sa COVID-19.
Ang pagsisimula nang pagbibigay ng bakuna kahit hindi pa ito nagaganap sa ating bansa ay tila isang kislap ng liwanag sa napakadilim na lugar na nagbigay ng napakalaking pag-asa sa bawat isa.
Kung noong mga nakaraang buwan ay nakikipaglaban tayo sa isang pandemyang hindi natin tiyak kung mayroon bang solusyon o wala na ay nagawa nating maitawid ang sitwasyon ng tulung-tulong.
Dinalisay na naman ang ating pagiging Pilipino at napakaraming bayani ang naglitawan partikular ang mga frontliner na marami ang nagbuwis ng buhay para lamang sa kaligtasan ng marami sa ating kababayan.
Ngayong meron ng bakuna at isa-isa nang isinasalba ang buhay ng mga tao ay mas may kahulugan na ngayon ang pakikipagtunggali natin laban sa pandemyamg ito dahil sa mayroon na tayong direksiyon.
Abot-tanaw na natin ang pag-asang isang araw ay babalik na tayo sa dati nating buhay na walang pangamba, walang balakid sa pag-aaral ng kabataan at wala nang luluha dahil nawalan ng mahal sa buhay.
Sa lahat ng meron tayo ngayon at sa lahat ng inaasahan nating regalo sa darating na Pasko ay wala nang maituturing na napakagandang pamasko kung hindi ang pagdating ng bakunang ito laban sa COVID-19.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments