top of page
Liza Soberano - Instagram.jpg

Bagyong Maymay, hataw

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 20 hours ago
  • 2 min read

ni Jeff Tumbado @News | August 6, 2026



BAGYONG MAYMAY, HATAW

Photo: Ang bahagi ng Valenzuela City-North Luzon Expressway (NLEX) na halos mag-zero visibility dahil sa walang tigil na malakas na pag-ulan bunsod ng pinagsamang Habagat at Bagyong Maymay. (Jeff Tumbado)



Nasa anim na lugar sa Northern Luzon ang binayo ng Tropical Storm "Maymay" at isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Miyerkules.


Taglay ni “Maymay” ang maximum sustained winds na 65 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kph.


Huling namataan ang sentro ng bagyo 170 kilometro sa kanluran ng Bacnotan, La Union bandang alas-7 ng umaga habang mabagal na kumikilos pa-kanluran.


Dahil dito, nananatili ang TCWS No. 2 sa gitna at timog na bahagi ng Ilocos Sur, hilaga at gitnang bahagi ng La Union, hilagang-kanlurang bahagi ng Pangasinan, timog-kanlurang bahagi ng Abra, kanlurang bahagi ng Mountain Province, at hilagang-kanlurang bahagi ng Benguet.


Samantala, nasa ilalim naman ng TCWS No. 1 ang Ilocos Norte, natitirang bahagi ng Ilocos Sur, La Union, Pangasinan at Benguet, mga lalawigan ng Apayao, Cagayan, Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya, hilagang bahagi ng Zambales, Tarlac at Nueva Ecija, gayundin ang hilaga at gitnang bahagi ng Aurora.


Samantala, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na sa 12,432 pamilya o 41,979 katao ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng Tropical Cyclones Luis at Maymay at ng Habagat.


Sa naturang bilang, 1,821 pamilya o 5,818 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 14 evacuation centers.


Wala namang naitalang nasawi, nasugatan o nawawala, habang isang bahay pa lamang ang naiulat na bahagyang napinsala.


Naglaan na rin ang pamahalaan ng P1.22 milyon halaga ng ayuda para sa mga apektadong residente sa Regions I, II, III, V, IX at Cordillera Administrative Region (CAR).


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page