Atenistang anak ng DPWH engineer, nahulog sa 4th flr., patay

ni Gina Plenago @News | September 21, 2026

Photo: File
Sinasabing nahulog mula sa ikaapat na palapag ng condominium building ang 24-anyos na law student sa Bonifacio Global City, Taguig City, noong Biyernes.
Alas-7:30 ng umaga ng Setyembre 18 nang mangyari ang insidente sa Fort Victoria Building, sa Brgy. Fort Bonifacio.
Tinukoy ang biktima na isang law student at anak umano ng isang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Negros Oriental.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nakarinig umano ng kalabog ang security personnel, maintenance worker at ilang tenants, at nang kanilang alamin, nakitang wala nang buhay sa lapag ang estudyante.
Masusing pagsisiyasat ang isinagawa ng Investigation and Detective Management Section ng Taguig City Police Station at Southern Police District Forensic Unit.
Ayon kay Taguig CPS Chief, PCol. Julius Añonuevo, patuloy ang imbestigasyon at sinusuri pa ang mga kuha ng CCTV sa lugar at hihintayin pa ang resulta ng awtopsiya sa bangkay.
Pakiusap ng mga awtoridad na iwasan ng netizen ang mga haka-haka at pagpo-post sa social media na nag-uugnay sa apelyido ng biktima sa isang personalidad na iniuugnay sa kontrobersiya sa flood control projects.





Comments