Bagong bf ni Angeline, mas bata at ‘true love’ na
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | October 25, 2021

Sa bagong panayam ng TV Patrol newscaster na si Karen Davila sa A.S.A.P. singer na si Angeline Quinto, napag-usapan ang bagong itinitibok ng puso nito na isang 'di pinangalanang non-showbiz boyfriend.
Katwiran ng singer, gusto niyang gawing private muna ang kanyang relasyon sa ngayon.
Bago pa rito, naitanong ni Karen kay Angge (palayaw ng singer) kung ano’ng dahilan at hindi nag-workout ang boyfriend-girlfriend relationship nila ng kapwa singer na si Erik Santos?
Balita kasi dati na nanliligaw at naging BF nito si Erik. Pero ngayon, sabi ni Angeline, “We're just friends.”
Sinubukan daw nila ang relationship as a couple, pero sabi ni Angeline, it simply didn’t work.
“Ginawa namin ‘yun. Kaya lang, para kaming natatawa sa isa’t isa. Kaya sabi ko, ‘Pogs, ‘wag nating pilitin. Talagang magkaibigan lang tayo.’ Kasi minsan, magiging sweet kami tapos matatawa na lang kami. May mga ganu’n,” pahayag ni Angeline.
Dugtong pa ng singer, “Ang maganda sa ‘min ni Erik, sa sobra naming malapit na magkaibigan, lahat ng nangyayari sa buhay-pag-ibig niya ay alam ko.”
Pero kahit ‘di pinangalanan ang BF, inamin naman ni Angge na mas bata sa kanya ang guy.
Last year pa raw sila nagkakilala through the boyfriend of one of her friends in Sampaloc, Manila.
“‘Yung boyfriend ng kaibigan ko, ‘yun ang kaibigan niya. One time, nagkayayaang lumabas. Doon kami first time na nagkita hanggang sa nagtuluy-tuloy,” sey ni Angeline.
Ginusto raw ni Angeline na makipagrelasyon sa isang non-showbiz guy to keep her love life away from the public eye.
“Parang gusto ko na mas private na lang. Kasi siyempre, ‘yung trabaho natin, masyado nang alam ng publiko,” katwiran niya.
Kahit anong pilit ni Karen, Angeline refused to name the person she’s currently dating, pero tinawag niya itong her “true love”.





Comments