top of page

Bago tuldukan ang balota, alalahanin muna ang mga ina

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 9
  • 3 min read

Updated: May 10

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 9, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Kung maghahanap sa isang internet search window ukol sa iba’t ibang klase ng ina, ang tatambad na mga resulta ay may kinalaman sa sari-saring katangian ng pagiging nanay. Kabilang dito ay ang mapagdisiplina, madasalin, makapit sa pagtutok sa anak, masayahin, marunong (o hindi) sa karaniwang modernong teknolohiya, marami ang mga amiga o mapag-isa, at iba pa.


Pero napakarami pang uri ng ina na hindi nasasaklawan ng naturang mga katangian ngunit hindi rin matatawaran ang halaga — at sila ay dapat ding purihin at pasalamatan sa napipintong pagdiriwang ng taunang Araw ng mga Ina ngayong ikalawang Linggo ng Mayo.


Nariyan ang mga ikalawang ina na hindi sariling supling ang tinatanaw na mga anak, hindi lamang dahil sadyang inampon o kinupkop ang kanilang pinagmamalasakitang mga tsikiting kundi dahil kanilang minarapat na tumulong sa pagpapalaki ng mga batang kanilang inaalagaan. Marami pa nga sa kanila ang ipinagpaliban nang tuluyan ang paghahangad na magkaroon ng sariling pamilya, kung kaya’t sila’y mistulang mga bayaning halos inialay na ang mismong buhay para makapangalaga ng binubuhay.


Nariyan ang mga ina na nawalan o naunahan sa paglisan ng kanilang anak, dala man ng aksidenteng nauwi sa trahedya o kaya’y pagkawala dahil ipinadampot nang walang pakundangan ng mga halimaw na makapangyarihan.


Nariyan ang mga ina na ang hanapbuhay ay pangangalaga ng kabataan, gaya ng mga nars sa mga ospital o pagamutan na tumutulong sa pagpapagaling at pagpapalakas ng kabataang may karamdaman, at ng mga guro na nagpapagaling at nagpapalakas ng pag-iisip at pagkatao ng mga mag-aaral na sa kanila’y nakatalaga. 


Nariyan ang mga ina na walang asawa o katuwang, sa anumang kadahilanan, at mag-isang inaako ang pangangalaga at pagpapalaki ng kanilang mga anak. Marahil pa nga ay idinadaan nila sa tahimik at patagong pagluha ang pagpapagaan ng katauhang lugmok sa samu’t saring pasanin sa buhay nilang mag-ina.


Nariyan ang mga ina na sa kabila ng maraming balakid at kapaguran ng katawan at kaisipan ay walang humpay sa pagiging masigasig sa paghahanapbuhay upang maitaguyod ang kanilang supling bukod pa sa tambak na gawaing bahay. Nariyan din ang ’di mabibilang na mga ina na napawalay sa kanilang mga anak dala ng matinding tawag ng pangangailangan na sa ibayong dagat natutugunan, sila na patuloy sa pagkayod kahit nababalutan ng lumbay na sanhi ng pagiging malayo sa kanilang mga mahal sa buhay. 


Marami pang uri ng mga ina bukod sa mga nabanggit, gaya halimbawa ng mga ama na

tumatayo ring ina ng kanilang mga anak. Lumalabas na dapat pag-alayan ng atensyon, pag-aaruga at pagmamahal ang lahat ng indibidwal na kumakatawan sa at nagpapatotoo ng kahulugan ng pagiging ina: ang pagiging mapagkalinga at mapagmahal nang halos kalimutan ang sariling kapakanan at isakripisyo ang sariling kaligayahan. 


Gaya ng ilang mga nakaraang taon, kinabukasan matapos ang darating na Mother’s Day ay araw ng halalan sa buong Pilipinas.


Tila itinadhang paalala ito sa ating lahat na pumili ng mga kandidato — sa pambansa man o lokal na mga posisyon — na mala-ina ang asal. Sila na hindi lamang nanay para sa kanilang mag-anak kundi mala-ina sa malawakang kilos at gawain, sa pagpapatupad at pagsasagawa ng mga patakaran at programa para sa kapakanan ng mga mamamayang kanilang masasaklawan. Kaya’t suriin nating maigi ang mga pangalang nakalista sa balota, kung sila ba’y karapat-dapat sa paghahangad na maging lingkod-bayan. Ating ihalal ang hindi lamang maipagmamalaki ng kani-kanyang ina kundi lubos na makapagpapabuti at makapagpapaganda ng buhay nating lahat.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


1 Comment


joseoliveros1947
May 09

Unang Lunes ng Disyembre bawa't taon ang itinalagang "Mothers and Fathers' Day" sa Pilipinas sa ilalim ng Proclamation No. 58, series of 1998 ni noon ay Pangulong Joseph Ejercito Estrada.

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page