top of page

Ayaw maglabas ng SALN, out sa public service!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 11 hours ago
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | October 24, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Isang malaking katanungan ang lagi nating nauulinigan sa mga tumpok ng talakayan kung saan-saan. At iyan ay ang diretsahang katotohanan na matagal nang nangyayari ang mga anomalya sa flood control, ngunit bakit ngayon lamang ito nagsisilabasan?


Aba’y antagal-tagal na nga naman nitong nagaganap, noong araw pang paboritong proyekto na nauuwi sa pagmumulto lamang — hanggang sa isang kisap-mata ay parang bulkang sumabog tulad ng galit ng ating mga kababayan.


Sa una pa man, kaya iyan ay hinahabol na proyekto ng mga mapagnasa ng kamal-kamal na ilegal na yaman sapagkat ang akala nila, dahil nga iyan ay mekanismo sa flood control ay maaari rin talaga iyang maanod ng pagbaha at kalaunan ay gumuho — dahilan para maabsuwelto sila at muling makapaglaan ng panibagong wawaldasin sa nasabing proyekto, habang akala nila ay patuloy silang makalulusot sa pananagutan sa taumbayan. 


Hanggang sa dumating ang mga pagbaha, at ito'y lumala nang lumala. Dumatal ang bagyo — sunud-sunod pa ang mga itong nagngangalit na bumugso — tila gustong lunurin ang hinahabol nitong pabagsakin. At galit ng taumbayan ay unti-unting nagpuyos, nagpupuyos pa at hindi na maaaring maliitin sapagkat nilulunod na sila ng epekto ng korupsiyon ng mga ganid sa pamahalaan. 


Napilitang magsalita ang mga naipit, samantalang naglaho ang mga nabahag ang buntot na mga nag-akalang tuloy lang ang kanilang ligaya sa pagwawasiwas ng kapangyarihang mayroon palang katapusan. 


Hindi na muling papayag ang mamamayan na muling sarhan ang nabuksan nang kahon na punung-puno ng ahas ng katiwalian. Bawat pagtatakip at kuntsabahan ay dagdag na galit ng taumbayan ang katapat. 


Pinababalik na diumano ng mayorya si Sen. Panfilo Lacson bilang tagapanguna ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee sa pagbabalik ng sesyon sa Nobyembre. Si Lacson ang hindi tumanggap ng pork barrel, siya ang walang insertion sa pambansang budget, at iyan ay kanyang pinili sa kanyang pagdedesisyon sa uri ng kanyang pagsisilbi sa bayan. 


Kaya naman hindi tulad ng mga nagsitandaang mga dating senador na hindi na makabalik sa Senado, si Lacson ay patuloy na nahahalal. Sapagkat napanatili niya ang tiwala sa kanya ng mga botanteng Pilipino, lalo na nitong nakaraang eleksyon, na maraming itinumbang trapong bagama’t malalaki ang pangalan ay naiwan na lamang ngayon sa kangkungan. 


Samantala, may mga naglalabas nang mga mambabatas ng kani-kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN. Iyan naman ay hindi dapat itago, sapagkat karapatan ng taumbayang malaman ang mga interes ng mga lehislador na itong piniling lumagay sa mata ng publiko!


Para doon sa mga ayaw maglabas ng kanilang SALN, wala kayong karapatan sa public service! Bumalik na lamang kayo sa pribadong sektor kung ayaw ninyo ng transparency! At kung wala naman kayong itinatago, bakit may reserbasyon kayong ilabas ang dokumentong ito nang may pagkukusa at may dangal?


Ipasa na ang Freedom of Information Act! Samantalang may executive order na ukol dito, hindi naman nito sakop ang lehislatura. Kaya’t nananatiling natatakpan ang mga kaganapan at impormasyong dapat sana’y alam ng taumbayan! Hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang bill na iyan at hindi maipasa-pasa. Napakaraming multo ninyo ba ang maglalabasan kapag iyan ay naisabatas? Katakutan ninyong higit ang galit ng mga Pilipino! Lalabas at lalabas ang katotohanan. At sa takdang panahong nagpapakalango kayo sa ligayang dulot ng panggagatas sa payat na payat at gutom nang mga Pilipino, kayo ay mabibistado, babagsak, at hindi na muling makakabangon. 


Hustisya ang panawagan ng taumbayan — pananagutan, pagkulong sa lahat ng tiwali nang walang sinisino, pagbabalik sa mga ninakaw, pagbuwag ng sistema ng korupsiyon, at paglilinis ng pamahalaan nang walang itinitira ni katiting na anay!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page