top of page
Robin Padilla - Senate PH 2.jpg

Away nila ni Sen. Kiko, ‘wag na raw pakialaman… SEN. ROBIN: USAPANG LALAKI SA LALAKI NA PO ‘YAN

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 4 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | May 20, 2026



Robin Padilla - Senate PH

Photo: Robin Padilla - Senate PH



Eksklusibong nakausap ni Karen Davila for TV Patrol (TVP) si Robin Padilla nu’ng Lunes nang gabi tungkol sa umano’y kasama niyang lumabas ng Senate building si Sen. Bato dela Rosa nu’ng Mayo 14.


Tanong ng kilalang broadcast journalist, “Senator, sinamahan n’yo po ba si Sen. Bato dela Rosa na umalis ng Senado kasi po inamin po sa amin ni General Mao Aplasca, Senate head security, sa TV Patrol na kayo ni Dela Rosa ay naglalakad casually at umalis kayo ng 2:30 AM?”


Malumanay na sagot ng senador, “Ako po ay humihingi ng paumanhin sa inyo na ‘di ko po ‘yan masasagot sapagkat ito po ay naging opisyal nang imbestigasyon kaya ang pinakamaganda po rito ay ako po ay makapaghayag muna kung sino po ang aatasan ng gobyerno na mag-imbestiga.”


Sundot ni Karen, “Pero, Senator, bakit ‘di n’yo po ito masagot? Itinuturing n’yo po bang pugante si Dela Rosa? Tumulong po ba kayo sa pugante?”

Natawa si Sen. Robin sa tanong ni Karen.


“Hindi po ‘yan ang posisyon ng mayorya ng Senado. Ang posisyon po namin ay ‘di po tinatanggap ang warrant of arrest galing sa ICC (International Criminal Court). Ang inaantay po namin ay ang warrant of arrest ng local court,” paliwanag nito.


Tanong ulit sa senador kung naniniwala siyang hindi pugante si Dela Rosa at bakit hindi nito masagot kung sinamahan niyang umalis ito ng Senado.


“Kumbaga, ang paniniwala n’yo ay he’s a free man, lumabas lang ng Senate. So, mali po ba ‘yun kung sinamahan ninyo s’ya, Sir?” tanong ulit ng news anchor.


“Ay, ‘di po, kailangan muna nating malaman kung ano ang...” pabitin nitong pahayag. 

“Alam n’yo po, respeto po ‘yan sa otoridad. Ayoko po na ako ay magbibigay ng hayag kaagad sa media.


“Mas maganda po pagkatapos po akong maghayag at nakuha nila ang imbestigasyon nila, handa na po akong humarap sa media. Pero hangga’t ‘di pa po ako nakakapaghayag sa kanila, mas maganda po na antayin po natin ‘yung oras na ‘yun bilang respeto po sa otoridad,” diing sabi ni Robin.


Si Sen. Robin Padilla ang chairman ng Public Information and Mass Media bukod sa chairman din ng Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs.


Tungkol naman sa nahuli ng kamerang umaakyat si Sen. Robin sa hagdanan at nagsabi sa media ng “Umalis na kayo, delikado,” mabilis na sagot ng senador, “‘Yan, puwede po tayong magkomento d’yan kasi ‘di naman po ‘yan opisyal na imbestigasyon.


“Ang nangyari po n’yan kasi, nag-aantay po kami ng caucus sapagkat nandu’n po kami sa opisina ni SP (Senate President). Inaantay po namin ‘yung padala ng House of Representatives, ‘yung impeachment.


“Nu’ng nandu’n po kami, sinabi ng mga namumuno rito na meron na pong mga armadong tao sa paligid ng Senado. Lilinawin po natin, sa paligid ng Senado!


“Kaya ang sabi ko po, ‘Teka muna, bakit nagkaroon ng armado rito?’ Nu’ng narinig po ito ni Sen. Bato, s’ya po ang nagsabi na, ‘Baka aarestuhin ako?’ Ang sabi naman n’ya sa mga kasama naming senador, mas mainam na ru’n na lang s’ya sa opisina n’ya kasi malalagay sila sa alanganin, ‘yung ibang senador kung nandu’n s’ya.


“Kaya ‘yung nakunan po ninyo na umaakyat po kami, ‘yun po ‘yung papunta kami sa opisina niya at nu’ng nakunan naman po ako, nanggaling ako sa second floor, ‘yun po ‘yung tiningnan ko kung ano ‘yung nangyari.


“Sabi kasi, nagkaputukan kaya po ako bumaba, tiningnan ko ‘yung mga kasama naming senador kung okay sila at okay naman po at nakita naman namin, okay ang media kaya po umakyat na ako. Eh, sumusunod po ‘yung media kaya ang sabi ko sa media, ‘‘Wag na kayong sumunod at delikado at may mga tao nang nakapasok.’ ‘Yun lang po ‘yun,” balik-tanaw ng aktor-pulitiko.


Nasambit din ni Karen kay Sen. Robin na kumalat sa social media na ang mga tauhan daw nito ay may mga dalang armas.

Tumawa nang husto si Robin. 


Aniya, “Unang-una, alam po lahat ng tao rito sa Senado na wala po akong bodyguard. ‘Di po ako nagba-bodyguard kahit sino po ang tanungin n’yo rito.


“Ako po ay dumarating dito sa Senado, isang kotse at isang aide. Kailanman ay ‘di po ako nagkaroon ng bodyguard dito, tanungin n’yo. Puwede naman kayong magtanong dito.”

Samantala, nabanggit ng NBI na person of interest si Robin kaya ano ang reaksiyon niya rito?


“‘Yun po ang dahilan,” saad nito kung bakit hindi nito sinasagot ang mga tanong ni Karen.

Tinanong din ni Karen kung makiki-cooperate siya sa imbestigasyon ng NBI.


“Opo, batas po ‘yan ng Pilipinas. Ako po ay handang sumailalim sa kanilang imbestigasyon at kahit pumunta sila rito sa Senado, ako’y handang magbigay ng aking statement sa kanila. Basta opisyal at batas po ng Pilipinas,” sagot kaagad ng senador.


Samantala, natanong din ni Karen kung bati na sina Sen. Robin at Kiko Pangilinan.

Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawang senador nang sitahin ni Sen. Kiko si Sen. Robin dahil habang nagsasalita ang una tungkol sa ICC warrant of arrest ni Sen. Bato dela Rosa ay panay ang interrupt ng huli.


Medyo tumaas ang boses ni Kiko, bagay na pinalagan ni Robin kaya nagde-demand siya ng public apology at hiling din ng huli na tanggalin ito sa record ng Senado.

May kumalat ding video na lumapit si Sen. Pangilinan kay Sen. Padilla para makipagkamay, tanda na nakikipag-ayos na.


“Alam n’yo po, usapang lalaki sa lalaki na po ‘yan. Siguro po, amin na lang po ‘yan. Sa gulo ng Pilipinas, hindi na po kami makikisali pa ni Sen. Kiko Pangilinan dahil puwede naman itong ma-solve ng mga lalaki,” nakangiting sagot ng senador.


Sabi pa ni Karen, bakit nanghihingi ng apology si Padilla kay Pangilinan sa plenaryo?

“Dalawa po ang hinihingi natin. Una, tanggalin po sa record ng Senado ‘yung pagsigaw n’ya.

‘Yun po ay on record kasi, ‘di po maganda sa mga darating na henerasyon na makita ‘yan ng mga Muslim na ang isang Muslim senator ay sinisigaw-sigawan dito sa Senado.


“Pangalawa po ay du’n din po sa plenaryo na makahingi ng paumanhin. ‘Yun lang naman po ‘yun, saka tapos na po ‘yan. ‘Wag na po tayong makigulo pa,” paliwanag ni Sen. Robin Padilla.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page