Atin talaga ang West Philippine Sea
- BULGAR
- Apr 23, 2021
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 23, 2021
Sa wakas ay natinag na rin ang puwersa ng China matapos magmatigas na sakupin ang karagatang bahagi ng ating teritoryo nang magpakita na ng puwersa ang ating sandatahang-lakas sa tulong ng Estados Unidos.
Ito ay matapos na madiskubre ng ating pamahalaan na may 240 Chinese vessels na nakahilera sa Julian Felipe Reef kaya agad hiniling ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na lisanin ng mga ito ang West Philippine Sea.
Hindi rin nakatiis ang Department of Foreign Affairs at agad na naglatag ng dalawang diplomatic protest laban sa China dahil sa presensiya ng kanilang mga barko sa ating teritoryo na kanilang inaangkin.
Ngunit sa halip na umalis ay nagmatigas pa ang China na hindi umano nila intensiyong mapadpad sa ating teritoryo bagkus ay naobliga lamang sila dahil sa sama ng panahon na hindi pinaniwalaan ng ating pamahalaan dahil napakaaliwalas ng mga araw na iyon.
Dahil dito ay naobliga nang magpadala ang Pilipinas ng apat nating pinaka-advanced warships sa West Philippine Sea (WPS) upang subukan na ang China sa lumalaki nilang aktibidades sa Julian Felipe Reef.
Kabilang sa mga unit na ating ipinadala ay ang dalawang brand-new missile-guided frigates, ang BRP Jose Rizal at BRP Antonio Luna at nagpakalat din ng mga warplanes para bantayan ang ating teritoryo matapos tayong magsagawa ng koordinasyon sa United States (U.S.)
Sa puntong ito ay nagpadala rin sa naturang lugar ang US ng kanilang aircraft carrier USS Theodore Roosevelt, ngunit ang kanilang aircraft carrier ay hindi bumiyahe mag-isa dahil sa bawat U.S. carrier ay may nakabuntot na sangkaterbang escort tulad ng submarines, destroyers at cruisers na pumuprotekta sa iba pa nilang barko.
Ayon sa ulat namataan din ang dose-dosenang aircraft na kayang isakay ang may 4,500 personnel kasabay ng kanilang USS Makin Island, isang assault ship na lulan ang 20 attack aircraft o stealth strike-fighters na may sangkaterba ding escort.
Dahil dito ay unti-unti nang nagsialis ang mga barko ng China at sa pinakahuling ulat ay nasa sampung barko na lamang at inaasahang aalis na rin isa sa mga araw na ito.
Nauna rito ay nanawagan ang environmental group na Homonhon Environmental Rescue Organization (HERO) sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na imbestigahan ang labis na pangingisda ng mga Tsino sa West Philippine Sea na posibleng humantong na sa shortage.
Ang masakit pa, maraming pagkakataon na ang mga huling isda ng mga Tsino sa ating teritoryo ay ipinagbibili pa sa ating mga mangingisda sa mas mahal na presyo ayon mismo sa imbestigasyon ng HERO.
Inihayag din mismo ng National Task Force for West Philippine Sea (NTF-WPS) na humigit-kumulang sa 240,000 kilo ng isda ang puwersahang tinatangay mula sa ating teritoryo ng mga Tsino bawat araw.
Ilan lang ito sa negatibong epekto na ating nararansan sa ginagawang pagsakop ng China sa ating teritoryo at hindi pa natin isinasama ang napakarami ng insidente na tinugis ang ilan sa ating mangingisda ng kanilang patrol boat.
At marami pang ulat na hindi lang basta barkong gamit sa pangingisda na pag-aari ng China ang nakakalat sa ating karagatan dahil napakaraming barkong pandigma ang nakaumang sa West Philippine Sea.
Kumbaga talagang nakakabarako na ang ginagawang ito ng bansang China na itinuturing nating kaibigan at naniniwala din tayo sa opinyon ng maraming eksperto na hindi tama na humantong tayo sa pakikipagdigma para patunayang atin ang sinasakop nilang lugar.
Nakalulungkot lang isipin na humantong pa tayo sa puntong kailangan pang magpakita ng puwersa samantalang makukuha naman dapat ang lahat sa mapayapang pag-uusap.
Aminado naman tayong hindi sapat ang ating kapasidad para magsimula ng digmaan ngunit tama lang na ipagpatuloy ng pamahalaan ang paninindigan para patunayang pag-aari natin ang West Philippine Sea.
Kahit sa mapayapang paraan ay huwag tayong bibitaw upang makita ng buong mundo at ng mga susunod nating lahi na kahit malagutan tayo ng hininga ay hindi tayo bumitaw sa labang ito dahil atin talaga ang West Philippine Sea.
Sa ganitong paraan ay hindi mahihinto ang pag-asa ng mga bagong sibol para patuloy na ipagtanggol ang ating bansa laban sa kahit anong lahi na nais sumakop sa ating teritoryo.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com








Comments