Ate, nanay at lola, samantalahin ang mga libreng serbisyo
- BULGAR

- Mar 2, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Mar. 2, 2025

Bilang pagkilala sa mga kontribusyon at pagpapahalaga na rin sa ating kababaihan, may mga libreng serbisyo na nakalaan para sa kanila.
Ayon sa Philippine Commission on Women (PCW), magkakaroon ng mga libreng sakay ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa lahat ng kanilang stations para sa mga babaeng pasahero simula sa March 8, tuwing peak hours mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi. Kailangan lamang nilang magtungo sa ticket booth ng LRT-2 para makakuha ng libreng tiket.
Maliban dito, may alok din ang LRT-2 na free haircut sa unang 30 pasahero sa March 12 sa Antipolo Station, habang makikinabang naman sa libreng gupit ang mga babaeng pasahero sa Cubao Station sa March 19 at 26.
Sa March 5, magbibigay din ang LRT-2 ng mga rosas para sa mga kababaihan sa Antipolo Station o sa concourse level.
Batay sa PCW, ang mga handog na ito sa mga kababaihan ay bilang bahagi ng ‘Serbisyo para kay Juana 2025’, kasabay ng pagdiriwang ng National Women’s Month.
Kabilang sa iba pang mga ibibigay sa kanila ay ang libreng issuance ng civil registration documents para sa unang 100 kababaihan na makikipagtransaksyon sa Philippine Statistics Authority (PSA) CRS outlets sa buong bansa sa March 3, 10, 17, at 24, gayundin ang libreng admission naman sa mga babaeng bibisita sa The Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center sa March 8.
Totoong hindi matatawaran ang mga ambag at ginagawa ng mga kababaihan para sa atin at sa ating lipunan.
Bukod-tangi rin ang kanilang kasipagan, pagtitiyaga, pagmamalasakit at walang sawa nilang pag-aalaga para sa pamilya at komunidad.
Kaya naman, nararapat lamang na maglaan o magbigay ng mga libreng serbisyo at iba pa sa mga kababaihan bilang pasasalamat natin sa kabutihang ginagawa nila sa atin.
Hindi man natin kayang tumbasan ang pagmamahal at pag-aalaga ng ating mga ina, lola at kapatid na babae, kahit paano ay magagawa nating masuklian ito sa pamamagitan ng ganitong simple subalit makabuluhang pagseserbisyo.
Sa kinauukulan, sana ay mas marami pang magagandang programa at proyekto ang inyong isagawa na tunay na may pakinabang at nakakatulong sa mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments