top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Asawa lamang ang maaaring maghain ng kasong adultery

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 23, 2021
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 23, 2021



Dear Chief Acosta,

May tatlong taon na nang umalis ang nanay ko sa aming bahay upang sumama sa ibang lalaki. Labing-pitong taong gulang ako noong umalis siya. Naisip kong magrebelde, ngunit sadyang mabait ang tatay ko na hindi ko magawang dumagdag pa sa iniisip niya. Akala ko ay naka-move on na ako, ngunit nang makita ako ang post na naroon ang nanay ko at ang lalaking kinakasama niya ay bumalik na naman ang lahat ng galit at poot. Maaari ko ba siyang kasuhan? Tutal nasa tamang edad na naman ako. Mabait kasi ang ama ko at palagi lamang niyang sinasabi na hayaan ko na ang nanay ko, ngunit hindi ko na kasi talaga matanggap ang pinaggagagawa ng nanay ko. – Fhern


Dear Fhern,

Labag sa ating batas ang pakikiapid sa iba ng tao na mayroon nang asawa. Ang babae na kasal na ay maaaring parusahan ng pagkakakulong kung mapatunayan na siya ay nakikiapid at mayroong seksuwal na relasyon sa lalaking hindi niya asawa at ang lalaki na ito ay alam na siya ay kasal na. Malinaw na nakasaad sa Article 333 ng Revised Penal Code (RPC) ang sumusunod:


“Art. 333. Who are guilty of adultery. – Adultery is committed by any married woman who shall have sexual intercourse with a man not her husband and by the man who has carnal knowledge of her knowing her to be married, even if the marriage be subsequently declared void.


Adultery shall be punished by prision correccional in its medium and maximum periods. x x x”


Gayunman, nililimitahan ng ating batas kung sino lamang ang maaaring maghain ng reklamong kriminal para sa paglabag sa nabanggit na probisyon ng batas. Tanging ang asawang lalaki lamang ang maaaring maghain ng kaukulang reklamo, at kinakailangang pareho niyang kakasuhan ang kanyang asawa at lalaking kinakasama nito, kung sila ay kapwa nabubuhay pa. Ito ay alinsunod sa Article 344 ng RPC:


“The crimes of adultery and concubinage shall not be prosecuted except upon a complaint filed by the offended spouse.


The offended party cannot institute criminal prosecution without including both the guilty parties, if they are both alive, nor, in any case, if he shall have consented or pardoned the offenders.


x x x”


Dahil dito, ikinalulungkot naming ipaalam sa iyo na, bagama’t ikaw ay nasa hustong gulang na, hindi ka maaaring maghain ng reklamong adultery laban sa iyong ina. Tanging ang iyong ama lamang ang maaaring maghain ng reklamo laban sa kanyang asawa at kinakasama nito, kung sila ay kapwa buhay pa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page