top of page
FRANKLY - ANNOUNCEMENT SA PAGBUBUNTIS NI SARAH, INAABANGAN NA-IG _matteog.jpg

Ari-arian ng mag-asawang napawalang bisa ang kasal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 29, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Bago pa kami nagsimulang magsama ng asawa ko, nakabili na ako ng lupa at nakapagpatayo na rin ako ng bahay gamit ang sarili kong pera. Nasa pangalan ko lamang ang titulo at iba pang dokumento ng nasabing ari-arian. Kalaunan ay nagpakasal ako at doon na kami nanirahan ng aking asawa. Kung sakaling maideklarang walang bisa ang kasal namin dahil sa kawalan ng kakayahan ng isang asawa na tuparin ang mahahalagang obligasyon ng pag-aasawa, maaari po ba niyang angkinin ang kalahati ng bahay at lupa ko bilang kapwa may-ari? — Lennard





Dear Lennard, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay maaaring matagpuan sa ating batas at kaugnay na mga desisyon ng Korte Suprema. 


Para sa iyong kaalaman, ang Article 36 ng Family Code ng Pilipinas ay tumutukoy sa isang kasal na void (walang bisa) dahil sa psychological incapacity ng isa o kapwa mag-asawa na tuparin ang mahahalagang obligasyon ng pag-aasawa, kung umiiral na ang naturang kawalan ng kapasidad sa panahon ng pagdiriwang ng kasal.


Kapag ang kasal ay void at ang lalaki at babae ay may legal na kapasidad naman na magpakasal sa isa't isa at namuhay nang eksklusibo bilang mag-asawa, maaaring Article 147 ng Family Code ang mamahala sa kanilang relasyon ukol sa ari-arian. Ang nasabing probisyon ng batas ay tumutukoy sa pagmamay-ari ng mga ari-ariang nakuha ng mga partidong namuhay bilang mag-asawa nang walang bisa ang kasal o kahit walang kasal, kung sila naman ay may legal na kapasidad na magpakasal sa isa't isa.


Hinggil dito, sa kasong Tan-Andal vs. Andal, G.R. No. 196359, May 11, 2021, sa panulat ni Honorable Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, idineklarang void ang kasal ng mga partido dahil sa psychological incapacity at ipinaliwanag ng Korte Suprema:


“Being capacitated to marry each other and having lived exclusively with each other albeit under a void marriage, Article 147 of the Family Code governs their property relations.”


Samakatuwid, kung walang legal na balakid ang mga partido na magpakasal sa isa't isa at ang kanilang kasal ay void dahil sa psychological incapacity, Article 147 ng Family Code ang maaaring mamahala sa kanilang mga relasyon sa ari-arian.


Gayunman, hindi nangangahulugan na lahat ng ari-arian ng isa ay awtomatikong magiging kapwa pag-aari. Mahalagang malaman kung kailan nakuha ang nasabing ari-arian. Sa kasong Paterno vs. Paterno, G.R. No. 213687, January 8, 2020, sa panulat ni Honorable Associate Justice Jose C. Reyes, Jr., malinaw na sinabi ng Korte Suprema:


“Article 147 of the Family Code only applies to properties acquired by the parties while they lived exclusively with each other as husband and wife.”


Sa nasabing kaso, ang kasal ng mga partido ay idineklarang void dahil sa psychological incapacity. Nilinaw ng Korte Suprema na ang Article 147 ng Family Code ay sumasaklaw lamang sa mga ari-ariang nakuha habang aktuwal na nagsasama ang mga partido bilang mag-asawa. Kaya naman, kung ang isang lupa o bahay ay nabili at nakuha na bago pa nagsimulang mamuhay nang magkasama ang mga partido bilang mag-asawa, maaaring hindi ito basta masaklaw ng pagpapalagay ng kapwa pagmamay-ari sa ilalim ng Article 147.


Kung ang ari-arian naman ay nakuha habang sila ay nagsasama na, maaaring magkaroon ng pagpapalagay na ito ay bunga ng kanilang magkasanib na pagsisikap, trabaho or industriya, at pag-aari nila sa pantay na bahagi. Subalit, hindi rin lubusan ang nasabing pagpapalagay. Ito ang nilinaw ng Korte Suprema sa kasong Nayve-Pua vs. Union Bank of the Philippines, G.R. No. 253450, January 22, 2024, sa panulat ni Honorable Associate Justice Mario V. Lopez:


“(T)he presumption of co-ownership is only prima facie, and shall only apply if there is no proof to the contrary.”


Samakatuwid, kung mapatutunayan na ang lupa at bahay ay nabili at nakuha mo na bago pa kayo nagsimulang mamuhay nang magkasama bilang mag-asawa, maaaring hindi ito awtomatikong magiging kapwa pag-aari dahil lamang sa kalaunan ay nagpakasal kayo at ang kasal ay idineklarang void dahil sa psychological incapacity.


Mahalagang tandaan na ang Article 147 ay hindi nagbibigay ng awtomatikong kalahating bahagi sa lahat ng ari-arian ng kabilang partido. Ang mahalagang tanong ay kung ang ari-arian ay nakuha habang aktuwal na nagsasama ang mga partido bilang mag-asawa. At kahit nakuha ito sa panahon ng pagsasama, ang pagpapalagay ng kapwa pagmamay-ari ay maaari pa ring mapabulaanan ng sapat na ebidensiya. Sa ganitong usapin, mahalaga ang titulo, kasulatan ng pagbebenta, mga dokumento ng pautang, resibo at iba pang dokumentong maaaring magpatunay kung kailan at paano nakuha ang ari-arian at kung sino ang tunay na nagkaroon ng kontribusyon sa pagkuha nito.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page