Araw ng Kalayaan, pero kailan naman lalaya ang ‘Pinas sa kamay ng mga kurakot?
- BULGAR

- Jun 12
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 12, 2025

FORTHWITH O AGAD-AGAD, IBINALIK NG SENADO SA KAMARA ANG ARTICLES OF IMPEACHMENT VS VP SARA -- Matapos makatikim ng sunud-sunod na batikos si Senate Pres. Chiz Escudero mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan dahil sa delaying tactics nito sa impeachment trial kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na dapat daw ay sinunod nito ang nakasaad sa Konstitusyon na "forthwith" o agad-agad na aksyon sa impeachment cases ng bise presidente, ay tila mas inasar pa ng majority ng mga senador ang mga nambabatikos sa head ng Senado.
Matapos kasing magsipag-oath bilang mga senator-judges ng impeachment court, ay 18 senador ang rumesbak, agad-agad o pin-"forthwith" nila pabalik sa Kamara ang mga isinampang articles of impeachment complaint laban kay VP Sara, na ‘ika nga waring indikasyon ito na talagang iki-kill ng Senado ang mga kasong impeachment laban sa bise presidente, period!
XXX
TAGUMPAY NG 18 SENADOR NA PAGBALIK SA KAMARA ANG ARTICLES OF IMPEACHMENT, NEXT NA KAYA ANG PAGDISMIS NG MGA KASO KAY VP SARA?
-- Sa kanyang press conference ay sinabi ni SP Escudero na tuloy pa rin daw ang impeachment proceedings na isasagawa ng Senado na tatayong impeachment court kahit na ibinalik nila sa Kamara ang articles of impeachment complaint.
Gayunman, sinundan niya ito ng statement na kung anuman daw ang pananaw ng 5 senador na bumoto ng "no" para sa return the impeachment complaints at kung ano ang pananaw naman ng 18 senador na bumoto pabor sa pagbalik sa Kamara ng articles of impeachment ay hindi raw niya puwedeng pigilan.
Tila may ibig ipahiwatig si SP Escudero sa statement niyang iyan na matapos mapagtagumpayan ng majority senators na ibalik sa Kamara ang articles of impeachment, parang kasunod nito ay botohan uli sa impeachment court para idismis ang mga kasong impeachment kay VP Sara kahit na walang maganap na impeachment trial, abangan!
XXX
TILA ALAM NG KAMARA NA IBABASURA LANG NG SENADO ANG IMPEACHMENT CASES KAYA INIREKOMENDA NA NILA SA DOJ NA KASUHAN SI VP SARA NG PLUNDER AT IBA PANG CHARGES -- Tila alam na ng Kamara na walang mangyayari at ibabasura lang ng majority senators ang isinampa nilang mga impeachment cases kay VP Sara.
Kaya’t bago pa man din magdesisyon ang 18 senator-judges na ibalik sa kanila ang articles of impeachment, ay inirekomenda na nila sa Dept. of Justice (DOJ) na sampahan ng mga kasong plunder, malversation, bribery and corruption at falsification of public documents si VP Sara at iba pang sangkot sa confidential funds scam, period!
XXX
KAILAN LALAYA ANG ‘PINAS SA KAMAY NG MGA KURAKOT? -- Ngayon ay Araw ng Kalayaan. Selebrasyon ito ng Pilipinas sa pagkakalaya ng mga Pilipino mula sa pananakop ng España o mga Kastila noong June 12, 1898.
Malaya na tayo mula sa kamay ng mga dayuhan, eh ang tanong: Kailan naman kaya lalaya ang ‘Pinas mula sa kamay ng mga kurakot sa bansa? Boom!







Comments