top of page

Araw-araw Pasko, kapag panahon ng eleksyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 17, 2025
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 17, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Kaliwa’t kanan ang black propaganda ng iba’t ibang kandidato at grupo.

Iyan na mismo ang normal.


----$$$--


HINDI nakaligtas ang Pasig City sa ganitong modus kaya’t nagbabangayan.

Hindi maawat ‘yan ng Comelec.


----$$$--


NILINAW naman na walang katotohanan ang ulat na may naganap umano na pang-aabuso sa isang PWD sa Pasig.

Itinanggi rin na sinadyang siraan ang kandidatura ni Pasig Mayor Vico Sotto ng kampo ng kanyang karibal na si Sarah Discaya.


 ----$$$--


NAG-UGAT ang alingasngas nang mainterbyu ng isang vlogger ang isa sa mga nakapila para makakuha ng bigas mula sa “Team Kaya This” ni Discaya.

Napag-alamang isang PWD ang nakapanayam ng vlogger pero ito ay biglaan at walang nakadiktang pahayag.


 ----$$$--


ISANG residente na alyas Ronnel ang isa rin sa nakapila at nainterbyu ng vlogger ay nagpapatotoo na hindi pinilit o pinuwersa ang PWD para magbigay ng opinyon.

Ayon kay Ronnel, kusang loob na pumayag ang babae na ma-interview ng isang lalaking vlogger.


-----$$$--


“WALA naman pong pamimilit eh. Ako po, tinanong din ako kung puwede akong interview. Marami kaming nandu’n na tinanong kung puwede kaming interview. Hindi po ako naniniwala na may sapilitan na nangyari,” wika ni Ronnel sa isang panayam sa online news.


Unang tinanong ng vlogger kung may SGC ID sila — isang identification card na ipinapamahagi ng “Team Kaya This” upang makakuha ng benepisyo tulad ng libreng serbisyong medikal at pagpapagamot sa ospital.


 ---$$$--


IPINAHAYAG ni Ronnel ang kanyang kalungkutan na binabatikos si Discaya dahil sa kanyang serbisyo-publiko, sa halip na pasalamatan sa pagtulong sa mahihirap at mga kapus-palad na pamilya sa Pasig.

Hindi rin siya naniniwalang si Discaya at ang kanyang partido ang nasa likod ng kampanya upang siraan si Sotto, dahil mismong mga anak ni Sarah ay PWD din.

“May anak din si Ate Sarah na PWD. Napakalabong gamitin ni Ate Sarah ang ganu’ng sistema na napakaruming pulitika,” aniya pa.


----$$$---


SINABI naman ng “Team Kaya This” na handa silang makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng insidente, at mariing itinanggi ang alegasyon na sila ang nasa likod ng umano’y propaganda laban kay Sotto.

Hinimok ni Ronnel ang kanyang kapwa Pasigueño na huwag basta-basta manira kina Discaya o sa sinumang tumutulong sa mga nangangailangan.


 ---$$$--


HINDI lang sa Pasig City, may ganyang senaryo na hanggang sa eleksyon sa Mayo.

Napapaaga ang Pasko dahil sa kaliwa’t kanang regalo mula sa mga kandidato.


 ----$$$--


KUMBAGA, tanggap-tanggap lang ng biyaya pero siyempre malaya pa ring iboto ang kursunada.

Nililinaw nating “sikreto” ang pagsusulat sa balota at malayang piliin kung sino ang tinitibok ng inyong puso.

Iyan po ang tunay na biyaya ng demokrasya — araw-araw mistulang Pasko — kahit Semana Santa.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page