Aral mula kay Mabini: Pag-ibig sa Diyos, Inang Bayan at kababayan
- BULGAR

- Jul 25
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 25, 2025

Nitong Miyerkules, Hulyo 23, 2025, ginunita at ipinagdiwang ang ika-161 kaarawan ni Apolinario Mabini. Katulad ng ginagawa tuwing sumasapit ang petsang ito, nagkaroon ng palatuntunan sa kanyang mausoleo sa Barangay Talaga, Lungsod ng Tanauan na nakatayo sa lupa kung saan mismo nakatirik ang bahay ng kanyang pamilya. At tulad ng nakagawian, nagkaroon ng pag-aalay ng mga bulaklak sa kanyang puntod mula sa mga opisyales ng pamahalaang nasyonal at lokal, samahang sibika at relihiyoso, mga kasapi ng Kapatirang Masonerya at mga ordinaryong mamamayan at talumpati ng mga piling panauhin.
Ang mga inialay na bulaklak ay malalanta; ang alingawngaw ng talumpati ng mga panauhin ay maglalaho at tiyak na malilimutan. Ang higit na mahalaga sa pagdiriwang at paggunita ng kabayanihan ni Apolinario Mabini ay ang laging pagsasaisip ng kanyang iniwang pamana sa mga Pilipino na matatagpuan sa kanyang mga panulat.
Mahina man ang katawan at lumpo na kinailangang isakay sa duyan at paghali-halinhinang pasanin mula Los Baños, Laguna patungo sa Kawit, Cavite para humarap kay Heneral Emilio Aguinaldo, si Mabini naman ay may “ulong ginto” ayon kay Felipe Agoncillo nang irekomenda niya kay Aguinaldo na gawing tagapayo niya si Mabini.
Una pa lamang pagkikita at pag-uusap nina Mabini at Aguinaldo ay kaagad humanga ang huli hindi lamang sa katalinuhan ni Mabini kundi nabakas rin sa kanyang pananalita ang katapatan ng loob, maalab na pagmamahal sa Inang Bayan at hangaring makamtan nito ang matagal nang minimithing kalayaan. Noon din, kinuha ni Aguinaldong tagapayo niya si Mabini at nang itatag ang Unang Republika ng Pilipinas sa Malolos, Bulacan, ginawa niyang Punong Ministro at Kalihim ng Ugnayang Panlabas si Mabini. Lahat ng mga dekreto, kautusan, proklamasyon at mensahe ni Aguinaldo ay si Mabini ang sumulat.
Ngunit bago pa naging tagapayo ni Aguinaldo si Mabini, sumulat na ito ng tatlong mahahalagang dokumento: ang “El Verdadero Decalogo”, Programa Constitucional de la Republica Pilipina, at “Ordenanzas de la Revolucion.” Ang una ay upang itanim sa isipan ng bawat Pilipino ang pagkamakabayan upang magkaroon sila na sariling katangiang moral.
Ang ikalawa ay upang maging gabay sa pagtatayo ng pamahalaang makatutugon sa pangangailangan at hangarin ng mga mamamayan at pagpapalakas ng kanilang karapatan.
Ang ikatlo ay mga tuntuning praktikal sa pagpapatuloy ng rebolusyon.
Ang pag-uukulan natin ng pansin sa kolum na ito ay ang “El Verdadero Decalogo” o “Ang Tunay na Dekalogo” na binubuo ng 10 kautusan na ang bawat isa ay binigyan ni Mabini ng dahilan at batayan upang higit na pahalagahan at maunawaan ng mga makakabasa nito. Dahilan sa limitasyon ng espasyo ay hindi natin mailalathala at matatalakay ang buong 10 Dekalogo.
Bagama’t lahat ng 10 kautusan ay mahalaga at may kani-kanyang aral, tatlo, para sa akin ang nangingibabaw sa lahat – pag-ibig sa Diyos, pag-ibig sa Inang Bayan, at pag-ibig sa kababayan.
Ibigin mo ang Diyos at ang iyong puri una at higit sa lahat sapagkat ang Diyos ang bukal ng lahat ng katotohanan at buong lakas. Ibigin siya sa paraang minamatuwid at minamarapat ng iyong bait at kalooban na kung tawagin ay konsensya sapagkat sa iyong konsensya na siyang sumisisi sa gawa mong masasama at pumupuri sa magaling ay doon nangungusap ang Diyos.
Ibigin mo ang iyong sariling bayan pangalawa sa Diyos at sa iyong puri, sapagkat ito ang tanging paraisong ibinigay sa iyo ng Diyos sa buhay na ito, ang tanging pamana ng iyong lahi at tanging mamamana mo sa iyong mga ninuno at ipamamana naman sa susunod mong lahi. Dahilan sa kanya, ikaw ay may buhay, pag-ibig, pag-aari, kaginhawahan, karangalan at Diyos.
Maipapakita mo ang pagmamahal sa iyong bayan sa pamamagitan ng pagsisikap ng kanyang kaligayahan, bago ang iyong sarili, gawin siyang kaharian ng katuwiran, katarungan at kasipagan, sapagkat kung maginhawa siya, ganoon din ikaw at ang iyong pamilya.
Maipapakita mo rin ang pagmamahal sa iyong bayan sa pagpipilit na makamit niya ang kalayaan sapagkat ikaw lamang ang may tunay na pagmamalasakit sa kanyang kadakilaan, ikatatanghal at pagsulong. Ang kanyang kasarinlan ay iyo ring kasarinlan, kabantugan at kabuhayang walang hanggan.
Ibigin mo ang iyong sariling kababayan sapagkat iisa ang inyong kapalaran, kasayahan at kadalumhatian. Ituring mo siyang parang kapatid, kaibigan at kasamahan na kaisa mo sa magkatulad na hangarin.
Sinulat ni Mabini ang kanyang “Ang Tunay na Dekalogo” noong 1898 — 127 taon na ang nakalilipas. Ang mga panuntunan at aral na napapaloob dito ay patuloy nawang maging gabay natin tungo sa pagkakamit ng tunay na kalayaan at sa pag-unlad ng Pilipinas – ang kaisa-isang paraisong ibinigay sa ating mga Pilipino ng makapangyarihan at mapagpalang Diyos, ayon nga kay Mabini.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments