Apela ng respiratory therapist
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 09, 2021
Dear Chief Acosta,
Isa akong registered respiratory therapist at nakatanggap ako ng desisyon mula sa Professional Regulatory Board for Respiratory Therapy na nagsususpinde sa aking certificate of registration. Ilang araw ba ang ibinibigay ng batas upang i-apela ko ito? - Irvin
Dear Irvin,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na inyong inilahad ay ang Section 8(j) ng Republic Act No. 10024 na mas kilala bilang “Philippine Respiratory Therapy Act of 2009”, na kung saan nakasaad ang sumusunod:
“Section 8. Powers and Functions of the Board. - The Board shall have the following powers and duties: xxx (j)Hear or investigate any violations of this Act, its implementing rules and regulations and the Code of Ethics for Respiratory Therapists, and for this purpose, to issue subpoena duces tecum to secure the appearance of the witnesses and the production of documents in connection therewith: Provided, That the decision of the Board shall, unless appealed to the Commission, become final and executory after fifteen (15) days from receipt of judgment or decision;”
Ibig sabihin, may kapangyarihan ang Professional Regulatory Board for Respiratory Therapy na mag-imbestiga sa mga kaso ukol sa paglabag ng Republic Act No. 10024, ang implementing rules at regulations nito, at ng Code of Ethics for Respiratory Therapists, at para sa hangaring ito ay maaari itong mag-issue ng subpoena duces tecum upang masiguro ang pagdalo ng mga witnesses at pagbigay ng mga dokumento na may kaugnayan sa kaso. Bukod dito, ang desisyon ng Professional Regulatory Board for Respiratory Therapy ay magiging final at executory kung hindi ito i-apela sa Philippine Regulatory Commission sa loob ng labinlimang araw mula sa pagtanggap ng nasabing desisyon. Sa inyong sitwasyon, binibigyan kayo ng batas ng labinlimang araw magmula sa pagkatanggap ninyo ng desisyon buhat sa Professional Regulatory Board for Respiratory Therapy hinggil sa inyong kaso upang makapag-apela. Kung hindi ninyo ito magagawa sa nasabing panahon, magiging final at executory na ang naturang desisyon, at hindi na ninyo ito maaaring kwestyunin pa.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments