ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 27, 2024
Muling ibinasura ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB)
ang hiling na Motion for Reconsideration ng SMNI.
Ipinagdiinan ng nasabing ahensiya ng gobyerno ang desisyon nitong suspendihin ang mga palabas sa telebisyon ng SMNI na Gikan sa Masa, Para sa Masa at Laban Kasama ang Bayan.
Ang unang pasya ng MTRCB na suspendihin ang dalawang programa ay bunsod ng mga reklamo na natanggap ng ahensiya hinggil sa alegasyong paggamit ng mga death threat at masasamang salita ng isang host sa Gikan sa Masa, Para sa Masa noong ika-10 ng Oktubre, 2023.
Binalaan din ng MTRCB ang SMNI na anumang katulad na paglabag ay mabibigyan ng mas mabigat na parusa — bilang pagtalima sa dedikasyon ng Board sa patas at makatarungang pagdinig.
Mahigit isang buwan matapos ibasura ng MTRCB ang kaso, nakatanggap muli ang ahensiya ng mga reklamo laban sa mga nasabing palabas noong ika-13 ng Disyembre, 2023.
Matapos ang masusing pagsusuri sa kaso at sa mga position papers na ipinasa ng mga respondents, nagpasya ang MTRCB na ipatupad ang preventive suspension na labing-apat (14) na araw para sa parehong programa.
Ang pasyang ito ay kasunod sa naunang babala ng MTRCB at naglingkod bilang proaktib na hakbang na layuning matugunan ang mga alalahanin at tiyakin ang pagsunod sa itinakdang pamantayan ng P.D. No. 1986.
Matapos ang masusing pagsusuri ng mga argumento at ng position papers mula sa mga respondents ay napag-alaman na ang dalawang programa ay lumabag sa Presidential Decree No. 1986 at sa Implementing Rules and Regulations nito.
“Ang mandato ng MTRCB ay protektahan ang mga manonood mula sa hindi angkop na mga panoorin, lalo na sa telebisyon kung saan ang lahat ay may malayang access.
Batay sa mga prinsipyo ng tamang proseso at katarungan, matibay ang aming paninindigan na ipatupad ang aming pananagutan sa regulasyon ng content ng media,” sabi ni MTRCB Chairperson Lala Sotto.
Batid ng Board na ang mga katwiran ng mga respondents ay hindi kapani-paniwala at hindi convincing.
Dahil diyan, pinalawig ng MTRCB ang suspensiyon sa dalawampu't-walong (28) araw, mula sa orihinal na labing-apat (14) na araw na preventive suspension.
Noong ika-11 ng Enero 2024, nagsumite ang mga respondents ng mga MR. Matapos ang maingat na pagsusuri sa mga isinumiteng mosyon, ibinasura ng MTRCB ang mga MR sa dahilang inulit lamang nila ang mga nauna nilang argumento.
Comentarios