Anyare sa imbestigasyon ng Ombudsman sa magkapatid na Eric at Yap at sa 8 'cong-tractors?'
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 4, 2026

GINAGALIT BA TALAGA NG MARCOS ADMIN ANG INC? – Ginagalit ba talaga ng administrasyong Marcos ang kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC)?
Itinuloy kasi ni Ombudsman Boying Remulla ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay Sen. Rodante Marcoleta, sa kabila ng panawagan ng INC na huwag baluktutin ang batas sa pamamagitan ng pagsasampa ng umano'y gawa-gawang kaso kaugnay sa isyu ng pagtanggap umano ng senador ng P75 milyon kina former Cong. Mike Defensor, businessmen Joseph Espiritu at Aristotle Viray, na hindi umano niya idineklara sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Dahil itinuloy ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay Sen. Marcoleta, asahan nang muling kikilos ang INC. Posible ring mas marami ang dumalo sa susunod nilang rally kaysa sa mga lumahok sa surprise rally sa EDSA Shrine sa Quezon City. Abangan!
XXX
2 KAIBIGANG NEGOSYANTE NI SEN. MARCOLETA, NAG-DONATE LANG SA KANDIDATURA NG KAIBIGAN NILANG SENADOR, DAMAY PA SILA SA KASO – Mas masaklap ang sinapit ng dalawang negosyanteng donor ni Sen. Marcoleta kaysa sa senador at kay Defensor.
Kung sina Sen. Marcoleta at Defensor ay kapwa mga pulitikong kumakalaban sa administrasyon at maaaring sabihin ng ilan na napulitika kaya nasampahan ng kasong plunder, sina Mr. Espiritu at Mr. Viray naman ay hindi mga pulitiko. Tahimik silang nagnenegosyo, wala ring rekord ng pambabatikos sa pamahalaan, pero nadamay sila sa kasong no-bail na plunder. Ang tanging "kasalanan" lang naman nila ay ang magbigay ng campaign funds sa kaibigan nilang senador. Tsk!
XXX
KAILAN KAYA ISASAMPA NG OMBUDSMAN ANG KASONG PLUNDER SA MAGKAPATID NA CONG. ERIC YAP AT EDVIC YAP? – May katagalan na rin ang imbestigasyon ng Ombudsman sa magkapatid na Benguet Rep. Eric Yap at dating ACT-CIS Party-list Rep. Edvic Yap. Nagsimula pa ito noong nakaraang taon kaugnay ng umano'y pagkakasangkot nila sa flood control scandal, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring resulta.
Kaya ang tanong, kailan kaya magsasampa ng kasong plunder ang Ombudsman laban sa magkapatid? Abangan!
XXX
WALA NANG NARINIG ANG TAUMBAYAN SA OMBUDSMAN PATUNGKOL SA 8 'CONG-TRACTORS' NA INIREKOMENDA NOON NG ICI NA KASUHAN – Tila yata nabaon na sa limot ang rekomendasyon noon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman na imbestigahan at sampahan ng kaso ang walong tinaguriang "cong-tractors."
Ni "ho" ni "ha" ay wala nang narinig ang taumbayan kung ano na ang naging resulta ng imbestigasyon sa walong "cong-tractors" na ito. Tsk!




Comments