top of page

Anti-Dynasty ‘pag naging batas, “Kamag-anak Inc.” magpapatayan sa eleksyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 13, 2025
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 13, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KAPAG BATAS NA ANG ANTI-POLITICAL DYNASTY, MALAMANG MAG-AAWAY ANG MGA KAMAG-ANAK INC., PARA KUNG SINO’NG MATIRANG MATIBAY SA KANILA, 'YUN ANG KAKANDIDATO SA ELEKSYON – Sakaling maisabatas ang anti-political dynasty at isa lang sa bawat angkan ang puwedeng kumandidato, malamang dahil sa pagiging sakim sa kapangyarihan ng mga "Kamag-anak Inc." sa pulitika na nasanay nang may puwesto sa pamahalaan ay posibleng mag-aaway-away, na maaaring humantong pa sa patayan para ‘ika nga, ‘yung matitirang matibay, siya ang kakandidato sa tatakbuhan niyang posisyon, boom!


XXX


IBINULGAR NI GABRIELA REP. SARAH ELAGO, TINAPYAS NA P255B FLOOD CONTROL PROJECTS NG DPWH, INILIPAT SA IBANG AHENSYA PARA MAGING PORK BARREL PA RIN NG MGA KURAKOT NA SEN. AT CONG. – Ibinulgar ni Gabriela partylist Rep. Sarah Elago na ang tinapyas na P255 billion flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa year 2026, ay inilipat lang ng Kamara at Senado sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan, na ang budget na ito ay maaari pa rin daw kunin ng mga senador at kongresista para gawin nilang mga pork barrel projects.

Kung totoo ang ibinulgar na ito ni Cong. Elago, isa lang ibig sabihin n’yan, nakaugalian na talaga ng mga kurakot na sen. at cong. na magka-kickback sa pork barrel projects, buset!


XXX


PORKE NAG-TOP SA SURVEY SI VP SARA, MAY LUMUTANG NA “RAMIL MADRIAGA” NA ANG MISYON AY SIRAAN DAW SIYA SA PUBLIKO – Matapos isapubliko ng WR Numero Research na si Vice President Sara Duterte ang nag-top sa mga posibleng presidentiables sa 2028 election, may lumutang umano na nagngangalang Ramil Madriaga, may kasong kidnapping at preso sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na kesyo siya raw ang dating bagman ni VP Sara sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at illegal drugs syndicates.

Malamang, itong Ramil Madriaga na ito ay "pakawala" ng sinumang nagnanais na kumandidatong presidente sa 2028, na ang misyon ay siraan at atakehin si VP Sara sa pagbabakasakali na sa mga susunod na survey, bumaba ang rating ng bise presidente, boom!


XXX

MULA 1.96M JOBLESS PINOY NOONG OCT. 2025, PUMALO NA NGAYON SA P2.54M ANG MGA WALANG TRABAHO SA ‘PINAS – Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mula sa dating 1.96 million jobless Pinoy noong Oktubre 2025, pumalo na ngayon sa 2.54 million ang walang hanapbuhay sa ‘Pinas.

Bad news ‘yan, kasi indikasyon ‘yan na dahil sila ay jobless, malungkot ang kanilang magiging Pasko, tsk!




IMBES IPA-STOP NINA MAYOR BIAZON AT COL. DOMINGO ANG RAKET NA STL-CON-JUETENG SA MUNTINLUPA CITY, NADAGDAGAN PA RAW NG RAKET NA 'LOTTENG' – Dahil dedma lang daw sina Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon at Muntinlupa City chief of police, Col. Robert Domingo sa Small Town Lottery (STL)-con jueteng nina "Touche" at "Jojo" ang ginawa ng umano’y dalawang ilegalistang ito ay dinagdagan pa raw nila ang kanilang raket–ngayon nag-o-operate na rin daw sila ng "lotteng" sa lungsod.


Hay naku! Imbes na ipa-stop nina Mayor Biazon at Col. Domingo ang raket na STL-con jueteng, nadagdagan pa raw ng raket na "lotteng," boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page