Ano ba ang kaugnayan ni “Poblacion Girl” sa Berjaya?
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 05, 2022
Tila hindi naging epektibo ang napakaraming pahayag at babala ng mga eksperto hinggil sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa dahil mas nanaig na mairaos ng lahat ang panahon ng Pasko at Bagong Taon at hindi na alintana ang umiiral na health protocol.
Ang halos dalawang taong pandemya na ating naranasan na parang tumutulay sa alambre ang lahat ng ating mga kababayan upang masunod lamang ang mga panuntunan ng pag-iingat na ipinatutupad ng pamahalaan ay tila nagdulot ng pagkaumay.
Ito ang isa sa mga nakikitang dahilan kung bakit tila nakawala sa kural ang marami sa ating mga kababayan nang ideklara ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang Alert Level 2 dahil bumaba na ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Dahil dito, tila nanabik ang marami sa ating mga kababayan na nakipagsiksikan sa maraming pamilihan dahil sa pagkukumahog na makabili ng mga pangangailangang gagamitin sa panahon ng Kapaskuhan na nagdulot naman ng pangamba sa maraming eksperto sa kalusugan.
Hindi nagkulang sa pagbibigay ng paalala ang pamahalaan hinggil sa posibleng pagsipa ng kaso ng COVID-19 kahit pa bakunado na, na kahit naririnig ng ating mga kababayan ay mas binigyang-pagpapahalaga pa rin ang pinanabikang kalayaan kaya heto ngayon — balik tayo sa pagresolba sa naturang problema.
Matagal na rin kasing inaanunsiyo na mas mabilis makahawa ang Omicron variant dahil dalawang ulit umano itong mas nakahahawa kumpara sa Delta variant at may posibilidad umano na ang kasalukuyang hawaang nagaganap ay dulot nang pinagsamang Delta at Omicron variant.
Sa unang araw pa lamang ng pagpasok ng Bagong Taon ay sinalubong na agad tayo ng kahindik-hindik na balita hinggil nga sa pagsirit ng kaso ng COVID-19 na may 3,617 bagong kaso na pinakamataas sa single-day tally simula noong nakaraang Oktubre at araw-araw pang tumataas.
Sa puntong ito ay kailangan nang isailalim ang Metro Manila sa Alert Level 3 mula Enero 3 hanggang 15 upang muli ay magkaroon ng bahagyang paghihigpit para na rin kaligtaan ng marami nating kababayan na huwag mahawa at maiwasan ang mabilis na pagkalat.
Binawi na ng IATF ang una nilang pahayag na isasailalim lamang ang Metro Manila sa Alert Level 2 dahil patuloy na namang tumataas ang mga kaso ng COVID-19 na mula sa tatlong indibidwal na natukoy na positibo sa Omicron variant ay may panibago na namang pito.
Ang Department of Health (DOH), University of the Philippines - Philippine Genome Center at ang University of the Philippines ay may magkakahalintulad na pahayag hinggil sa pagkakatukoy sa pitong imported na kaso at tatlong lokal na kaso ng Omicron (B.1.1.529) variant.
Ang pitong imported na kaso ay kinabibilingan ng pagbabalik ng anim na Pinoy sa bansa at isang Malaysian national na tatlo sa kanila ay dumating sa bansa mula sa United States lulan ng Philippine Airlines Flight PR 127 noong Disyembre 16 at PR 103 noon namang Disyembre15.
Pero ang isa sa pinanggigigilan sa kasalukuyan ng ating mga kababayan ay si Gwyneth Anne Chua na mas kilala sa bansag na ‘Poblacion Girl’, isang balikbayan galing Estados Unidos na umano’y tumakas sa Berjaya Hotel sa Makati, isang accredited quarantine facility ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Namataan umano si Chua na rumampa sa kahabaan ng Poblacion sa Makati at nag-TikTok pa bago pa nakumpirmang positibo sa COVID-19 at ang kanyang mga nakasalamuha ay nagpositibo rin makaraan ang limang araw.
Nakumpirma ng pamunuan ng Department of Interior ang Local Government (DILG) na may ilang empleyado umano ng Berjaya ang tumatanggap ng suhol para makalabas lamang ang ilang naka-quarantine.
Ngunit isa sa mga dapat tukuyin kung may katotohanan ang kumakalat sa social media na itong si “Poblacion Girl” ay anak umano ng may-ari ng Berjaya Hotel kaya malayang nakakagala, dahil kung totoo ito ay dapat talagang papanagutin ang naturang establisimyento.
At kung wala naman ito katotohanan ay panahon na para tuldukan ang usap-usapan upang malinis naman ang nakaladkad na pangalan ng Berjaya na ilang panahon ding pinagkakatiwalaan ng IATF, ngunit sila pala ang magpapasimula ng panibagong pagkakahawa-hawa.
Malaki kasi ang kaibahan nito, kung hindi kaanak ay posibleng mga empleyado lang ang dapat sisihin at kahit paano ay gagaan ang pananagutan ng Berjaya na puwedeng ikatuwiran na nasistema lamang sila ng mga tiwaling empleyado.
Pero kung totoong kaanak itong si Poblacion Girl ng may-ari ng hotel ay posibleng totoo ang ipinagyayabang nito na hindi siya maaano dahil marami siyang koneksiyon.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments