top of page

Ang walang hanggang pagtawag sa Diyos

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 16 hours ago
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 17, 2026



Fr. Robert Reyes


Puerto Princesa, Palawan – Naglingkod tayo dito mula 2010 hanggang 2012. Tumira tayo sa simple ngunit magandang tahanan ni Bishop Pedro Arigo, Obispo noon ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa. Hindi natin kilala ang Palawan noon, ngunit salamat sa Diyos na pinadala Niya tayo roon. Bahagi iyon ng ating “Years of Exile.”


Sa panahong iyon rin, naganap ang malagim na pagpaslang sa kaibigan nating mamamahayag na si Dok Gerry Ortega noong Enero 24, 2011. Kay bilis ng panahon – labinlimang taon na ang nakalipas mula nang mangyari iyon. Labinlimang taon na rin ang pagtakbo ng kaso laban sa itinurong mastermind, ang dating Gobernador ng Palawan.


Nakadate tayo sa Puerto Princesa noong nakaraang Miyerkules, Enero 14, 2026, upang dalawin si Patty Ortega, biyuda ni Dok Gerry. Masayang malungkot ang pagtatagpo namin ni Patty at ng kanyang anak na si Joaquin. Pinag-usapan namin ang mga nagdaang taon mula sa kamatayan ni Dok Gerry hanggang ngayon. Sa susunod na Biyernes, muling kikilos ang pamilya at mga kaibigan ni Dok Gerry upang ipaglaban ang katarungan sa Korte at sa Gobyerno. Kay kumplikado, kay kupad ng sistema ng katarungan… at kay kupad din ng ating gobyerno.


Mahalaga sa atin ang Puerto Princesa, ang “Last Ecological Frontier” – huling paraiso ng kalikasan. Sa kayamanang likas na pampang, dagat, gubat, at kabundukan, hindi ordinaryong lugar ang Palawan. Sinuman ang Gobernador, Mayor, o kahit Barangay Captain ay may kakayahang mag-ambag sa proteksyon ng kalikasan o sa pagyaman ng lugar. Subalit, hindi ito ang pangunahing layunin ng aming pagbisita.


Nagtungo tayo rito para dumalo sa Ordinasyon ng mahal kong kaeskwela sa seminaryo, si Atty. Bienvenido Salinas. Kakaiba at mahiwaga ang kuwento ng buhay ni Atty Bien.


Nagkakilala kami noong 1972 sa San Jose Major Seminary bilang mga batang seminarista. Dahil malayo ang bayan ni Bien, inimbitahan namin siyang makasama sa aming pamilya tuwing bakasyon. Naging bahagi siya ng aming pamilya – tinatawag niyang Daddy at Mommy ang aking mga magulang, at kapatid ang aking mga kapatid.


Lumipas ang panahon at nahirapan si Bien sa disiplina ng pagiging pari. Noong 1979, dalawang taon bago maging pari, napagpasyahan niyang lumabas ng seminaryo. Naging abogado siya, nag-asawa, at nagkaroon ng tatlong anak. Nang pumanaw ang kanyang asawa dahil sa kanser, bumalik siya sa atin na parang tinatawag muli ng Diyos: “Parang gusto kong magpari muli.”


Tinulungan namin si Bien. Maraming pagsubok ang kanyang pinagdaanan, ngunit iba ang Diyos – kapag tumawag Siya at tumugon tayo, may mangyayari. Walang sawa at walang tigil ang tawag ng Diyos sa atin.


Ngayong Biyernes, nasaksihan namin ang makulay na yugto sa buhay ng pitong-pung taong gulang na seminaristang si Bien – bilang Diakono at magiging pari sa mga susunod na buwan. Sa aming pag-uusap, madalas naming pag-usapan kung paano walang sawa at walang panghihina ang tawag ng Diyos – tunay na pag-ibig na nagmamahal at lumiligtas.


Congrats, Reverend Deacon Bienvenido Salinas, Apostolic Vicariate of Taytay.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page