Ang pari at ang kanyang ina
- BULGAR

- 2h
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 6, 2025

Nakipaglibing noong nakaraang Martes, Disyembre 2, ang ilan sa mga pari ng Diyosesis ng Cubao sa ina ng aming Obispong Elias Ayuban na si Genara. Merong ilang naunang dumating noong Disyembre 1. Lima naman ang mga paring dumating sa araw ng libing.
Namatay si Nanay Genara noong Nobyembre 23, sa Pista ng Kristong Hari.
Mula noon hanggang sa libing ng kanyang ina, walang tigil ang pagtupad ng tungkulin at pakikiisa ni Obispo Ayuban sa mga nangangailangan. Sa kabila ng kanyang pagdadalamhati sa pagyao ng kanyang ina, walang nagbago sa karaniwang takbo ng kanyang buhay.
Lumipad sa Bohol noong nakaraang Martes si Bishop Ayuban para maglamay sa burol ng kanyang ina. Kinabukasan, lumipad pabalik ng Maynila ang mabuting kardinal para maghanda sa ordinasyon ng kanyang pinakaunang ordinasyon ng pari para sa Diyosesis ng Cubao.
Tatlong araw makaraan ang ordinasyon, nagmartsa kasama ng dalawang obispo sina Obispo Mylo Vergara ng Pasig at Obispo Eugenius Cañete ng Gumaca, Quezon.
Sa likod ng tatlong obispo nagmartsa ang libu-libong mga parokyano mula sa iba’t ibang Parokya ng Diyosesis ng Cubao.
Bandang alas-10 ng umaga, nagsimula ang Banal na Misa kung saan nag-omeliya si Obispo Ayuban. Kinabukasan ng alas-2 ng hapon, inordenahang pari naman ni Obispo Ayuban ang limang Dominican. Kinagabihan, lumipad patungong Bohol ang obispo para ilibing kinabukasan ang inang si Genara.
Ipinagdiwang naman kinabukasan ni Obispo Ayuban ang unang anibersaryo bilang Obispo ng Cubao kapiling ang mga pari, relihiyoso at layko mula sa 49 na Parokya. Mahigit 500 katao ang dumalo sa mahalagang anibersaryo.
Tila nakakahilo ang takbo ng nakaraang mga araw para sa obispo ngunit tuluy-tuloy lang ang paglilingkod sa kabila ng dala-dalang bigat ng pagyao ng kanyang ina.
Sa kanyang omeliya sa huling misa para sa kanyang ina, naibahagi niya ang sinabi ng kanyang ina noong siya’y unang naging pari: “Lagi kitang ipagdarasal at susuportahan saan ka man pumunta.”
Kasama ng bagong pari sa simula hanggang naging Obispo ng Cubao ang panalangin at mapagmahal na suporta ng kanyang ina.
Noong ikinukuwento ng obispo ang kanyang relasyon sa ina, bumalik ang mga panahon nang lumalaki pa lang tayo hanggang sa naging seminarista, pari at naglingkod sa iba’t ibang lugar at ministeryo.
Naalala natin ang mga panahon na mahirap at mapanganib na magsalita ang aking ina sa akin, “Mag-ingat ka anak. Sana tumigil ka na. Hindi naman sila nakikinig sa iyo.”
Parang hindi naniniwala ang aking ina sa mga ginagawa natin. Ngunit, hindi iyon ang kanyang mensahe. Pag-aalala sa aking kapakanan ang umiiral sa kanya.
Sa buong pagkapari natin na hindi tumitigil ang pakikisangkot, hindi rin tumitigil ang pagpapaalala at pag-aalala ng aking ina. Ngunit, hindi natin naramdaman bilang batikos at sermon ang kanyang mga salita. Sa likod ng lahat ng pawang pagtutol sa ating mga ginagawa, naroon naman ang kanyang suporta at pagmamahal.
Hindi man naming mga pari nakikita ang Diyos, naroroon lagi ang aming mga ina para maging kamay, mukha at tinig ng Diyos sa aming buhay. Kaya ganoon na lang kahalaga ang mga ina ng mga pari sa buhay ng kanilang mga anak.
Noong araw, pagkatapos isuot ng bagong ordain na pari ang kanyang mga bagong damit pangmisa, luluhod muli ang bagong pari sa harap ng obispo na papahiran ng banal na langis ang mga kamay nito. Pagkaraan nito, itatali ng obispo ang kamay ng bagong pari ng puting tela (maniturgium, sa Latin manu-kamay; tergeo-pahiran).
Matapos ang ordinasyon ng bagong pari, ibibigay nito ang puting tela (maniturgium) sa kanyang ina at sa pagpanaw nito, kasamang ililibing sa yumaong ina ng pari ang puting tela.
Hindi na ginagamit ngayon ang puting tela na itinatali sa kamay ng bagong pari. Subalit, napakalinaw ng kahulugan ng ritwal ng puting tela. Mula ordinasyon ng pari hanggang sa kamatayan ng kanyang ina naroroon, magkatali ang kamay ng pari at ang kamay ng kanyang ina sa panalangin at mapagmahal na suporta saan man madestino ang pari.
Dama namin ang bigat ng pagkawala ng kanyang ina na pasan-pasan niya. Ngunit hindi lang dalamhati ang natutunghayan ng lahat ng pari dahil pare-pareho naming nakita, naranasan at nadarama buhay man o hindi ang aming mga ina.
Ganoon kalalim ang kaugnayan ng mga pari sa kanilang mga ina, at ganoon din sana ang kaugnayan ng bawat miyembro ng pamilya sa isa’t isa. Isa itong mahalagang paalala sa lahat ng mga pamilya na pairalin ang malalim at banal na ugnayan na dapat laging mamayani.
Kung ganito sana ang bawat pamilya, maganda rin ang magiging hugis at takbo ng buong lipunan. Subalit nasisira ang maraming pamilya ng mali at masamang diwa ng materyalismo, ng pagkaakit sa mga materyal na bagay at sa salapi.
Makikita ito sa masamang epekto ng mga pamilyang pumasok at ayaw nang umalis sa pulitika, ang mga dinastiya. Hindi sa kamay ng Panginoon nakatali ang kanilang mga kamay bagkus sa salapi at kapangyarihan!








Comments