top of page

Ang panganib ng oversharing sa social media tuwing holiday season

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 31m
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | December 30, 2025



Boses by Ryan Sison


Pinag-iispan ngayon ng maraming Pinoy ang bawat galaw nila online, lalo na tuwing sasapit ang holiday season. 


Dahil ngayong uso na ang pagpo-post ng travel photos at countdown sa bakasyon, nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) na ang simpleng paglalagay ng plano sa social media ay maaaring maging bukas na imbitasyon sa mga kriminal.


Ayon sa isang opisyal ng PNP, ang pagpo-post ng detalye ng bakasyon ay malinaw na palatandaan na walang tao sa bahay. 


Sa mata ng masasamang loob, ito ay pagkakataon para sila ay makapangloob. Kaya’t kahit pa sinisikap ng PNP na protektahan ang mamamayan, hindi raw magiging ganap ang seguridad kung walang kooperasyon mula sa taumbayan.


Ang paalala ay simple ngunit ito ay para sa kaligtasan ng lahat. Hindi kailangang ipaalam sa buong mundo kung kailan aalis, gaano katagal mawawala, at kung saan pupunta. Ang social media ay hindi lang platform para magpasikat, kundi minsan ay nagiging hakbang din ng krimen. 


Sa panahong mas mahalaga ang seguridad ng pamilya kaysa sa likes at shares, nararapat lamang na maghinay-hinay sa pagbabahagi.


Dagdag pa ni Nartatez, mas pinaigting ang ugnayan ng PNP sa mga lokal na pamahalaan, lalo na sa antas ng barangay, upang mapigilan ang mga krimeng puwedeng maiwasan. 


Ipinangako rin ng PNP ang heightened alertness at tuluy-tuloy na anti-crime operations sa buong bansa upang masiguro ang mapayapa at ligtas na bakasyon.


Kaugnay nito, inanunsiyo rin ang suspensiyon ng trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno simula kahapon, Disyembre 29 hanggang Enero 2, 2026. Itinakda naman bilang non-working holidays ang Disyembre 30, 31 at Enero 1. 


Sa mga petsang ito, inaasahang mas maraming bahay ang maiiwang walang tao, kaya’t mas mahalaga ang pagbabantay at disiplina.


Bilang dagdag na hakbang, mahigit 100,000 pulis ang ide-deploy ng PNP sa buong bansa ngayong holiday season—malaking pagtaas mula sa 60,000 noong nakaraang taon. Ipinapakita nito ang seryosong paghahanda ng kapulisan, ngunit malinaw rin na hindi sapat ang presensiya ng pulis kung pabaya ang mamamayan.


Ang kaligtasan ay hindi lamang responsibilidad ng estado kundi ng bawat indibidwal.

Ang pagiging maingat sa social media ay maliit na sakripisyo kapalit ng katahimikan ng isip at kaligtasan ng pamilya. Ang tunay na diwa ng bakasyon ay hindi ang pagyayabang ng travel goals, kundi ang pagbabalik sa tahanang ligtas at buo.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page