top of page

Panulat at pagliham, sandata ng katapangan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 21 hours ago
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 29, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Ang nakaraang Lunes, unang araw ng Setyembre, ay hindi lang hudyat ng napipintong mahabang pagtanaw ng Kapaskuhan sa Pilipinas. Para sa ilang mga matitiyagang deboto, ang naturang petsa ay nakalaan para sa World Letter Writing Day.


Ito ay itinatag noong 2014 ng Australyanong awtor na si Richard Simpkin, upang maengganyo ang marami na kumalas muna sa social media at idaan sa pagliham ang pagmemensahe. Nag-ugat ito sa kanyang proyektong naglayong makakuha ng awtograpiya ng tanyag niyang mga kababayan, na kanyang isa-isang sinulatan upang mahingian ng mga pirma at hilinging makapanayam nang harapan. 


Dahil marami sa mga ito ay tumugon sa kanyang paanyaya, naudyok si Simpkin na gumawa ng libro noon 2005 ukol sa mga ito, at ‘di naglao’y naitatag niya ang naturang pagdiriwang. Naiulat pa ngang gawain ni Simpkin at ng kanyang anak para sa espesyal na araw ang magsagawa ng mga workshop ukol sa pagliham, upang maipabatid ang kahalagahan nito sa gitna ng kasalukuyang pamumuhay.


Tayong matagal-tagal nang nasa hustong edad ay hindi na nagagawi sa anumang tanggapan ng koreo o post office, samantalang ang mga nakababatang henerasyon ay malamang na hindi pa nakatuntong doon ni minsan.


Parang kailan lang na ang pagliham ay napakahalagang tulay na pang-ugnay ng magkalayong magkamag-anak, magkaibigan, magsing-irog o magkatrabaho at ng aplikante sa kumpanyang nais pasukan. 


Sa paglipas ng mga dekada at pag-usbong ng teknolohiya, lalong naging moderno’t matulin ang komunikasyon, kung kaya’t unti-unting nalagas ang mga post office at kakaunti na lang ang natirang mga sangay nito. Ang dating maingay at maatikabong mga kawanihan ng koreo ay nababalutan na ng katahimikan at tila museo na nakapagpapaantig na balikan ang alaala ng isang kumupas nang bahagi ng buhay.


“Snail mail” pa nga kung ituring ang kabagalan ng pagliham at pagpadala nito, dahil hindi kasintulin ng mabibilis na pamamaraan ng pagmensahe nitong mga nakaraang taon. 


Ngunit hindi lubusang naglaho ang liham sa kamalayan ng sangkatauhan.

Mas makabuluhan at matimbang kung idadaan sa liham ang pagbabahagi ng saloobin, na makapagpapagaan ng kalooban. Maganda pa ngang mapanatiling kaugalian ito, kahit manaka-naka, bilang pagpapatibay ng kakayanang gumamit ng ballpen o panulat at mapanatiling maganda o maiintindihan ang iyong sulat-kamay bago masupil ng rayuma.


Ang liham ay pamamaraan ng pagdulog. Kung babati sa kaarawan o magpapasalamat nang taos-puso, magiging katangi-tangi kung sa pagliham ang pagpapahayag, gamit ang isang greeting card. 


Marahil ay nais mong gumawa ng nobela o kumatha ng kuwento ngunit hindi alam kung papaano? Isang paraan ay ilahad at buuin ang nais isalaysay sa pamamagitan ng mga liham. Maraming naging aklat ang naglalaman ng ganito ang estilo, gaya na lamang ng pinakamabiling libro sa kasaysayan ng paglilimbag, ang Bibliya, na sinundan ng maraming nobelang epistolaryo ng tanyag na mga manunulat ng iba’t ibang lahi.


Maaari namang gumamit ng kompyuter, pero iba pa rin kung ginamit ang sariling kamay bilang panulat ng liham. Ang kabutihan pa nito ay hindi electronic o online iyon kaya walang nakalakip na virus gaya ng malware o anumang kawaldasang maisisilid sa mga email.


Ang liham ay maaari ring sisidlan ng lihim na maimumungkahi nang taimtim at mailalahad pa nang maayos at hindi mabilisan o padalos-dalos. Ang liham din ay himakas o rekwerdos, bagay na mahahawakan, maitatabi, mahahalungkat at mababasa nang ilang ulit. 


Ang pagliham ay pahiwatig na hindi lamang may puwang para sa antigo ngunit makabuluhan pa ring gawain kundi pagpapadama rin kung gaano kahalaga ang iyong padadalhan ng mensahe. 


Kaya’t asintaduhing lumiham sa tuwi-tuwina. Baka ang iyong nais padalhan nito ay naghihintay pala o ang sa iyo’y lumiham ay nagpapahiwatig ng pangako na gaya ng isang sulat, panghabang-buhay.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


1 Comment


joseoliveros1947
21 hours ago

Sa pag-usbong ng makabagong tekolohiya, tuluyan na ring nawala ang sining ng pagpaahayag ng pag-ibig sa pamamgitan ng mga liham ng pag-ibig kung saan ibinubuhos ng isang mangingibig ang kinikiming damdamin sa puso na hindi maipahayag dahil nauumid ang dila at knakabahan kapag kaharap na ang nililiyag.

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page