top of page

Ang maruming pulitika ng mga "anointed, chosen, entitiled"

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 11, 2026



Fr. Robert Reyes


Nagulat ang marami nang kumalat kamakailan ang larawan ng tatlong batang mambabatas na may nakasulat sa ilalim ng kanilang pinagsamang imahe ang katagang “Makabagong GomBurZa.”


Sa nasabing paglalarawan, tila ipinantay nina Kiko Barzaga, Leandro Leviste, at Eli San Fernando ang kanilang mga sarili kina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora—ang tatlong paring martir na naging inspirasyon ng ating pambansang kamalayan at ng ating pambansang bayani.


Sino ang nag-isip na gawin ito? Sila ba mismo, o may iba pang nag-akala na maaaring ipantay ang tatlong batang mambabatas sa tatlong paring nagbuwis ng buhay alang-alang sa katotohanan at katarungan?


Maaari bang ihambing ang kanilang danas sa dinanas ng GomBurZa—ang pag-uusig, maling paratang, at ang malagim na kamatayan na ginamit ng Rehimeng Kastila upang higpitan at apihin ang mga mamamayang Pilipino? Ang tatlong pari ay kinilalang martir hindi dahil sa sariling deklarasyon kundi dahil sa kanilang buhay ng pagsasabuhay ng Ebanghelyo ng Katotohanan, Katarungan, at Kalayaan. Ipinaglaban nila ang pagkakapantay-pantay ng mga paring kayumanggi at Pilipino laban sa sistemang kolonyal na nagkakait ng tiwala at mataas na tungkulin sa mga katutubo.


Lalo itong isinulong ni Padre Jose Burgos, na matapang na ipinaglaban ang dangal at kakayahan ng mga paring Pilipino bilang kapantay—hindi bilang pangalawa—sa mga paring Kastila at puti.


Sa kontekstong ito, mahalagang balikan ang mga salitang madalas abusuhin: “anointed,” “appointed,” at “entitled.” Naalala natin ang pastor na tumawag sa sarili bilang “Anointed Son of God,” isang makapangyarihan at mayamang lider ng grupong Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name, Inc. Ang kanilang punong himpilan ay tila isang palasyo. Subalit gumuho ang imaheng ito nang kasuhan siya sa Estados Unidos ng immigration fraud at sex trafficking. Sa kasalukuyan, nakakulong siya sa Pasig City Jail.


Sino ang humirang sa kanya bilang “anointed”? Ganoon din ang tanong sa isa pang grupo kung saan ang isang ina ang nagtalaga sa sariling anak bilang pari, hanggang sa kilalanin itong “Supreme Pontiff”— mas mataas pa umano kaysa Papa. Nang mamatay siya noong Enero 19, 2021, agad siyang idineklarang santo noong Agosto 1 ng parehong taon. Sino ang nag-orden, naghirang, at nagtalagang santo sa kanya?


Maraming grupo at sekta—na maituturing ding kulto—ang may ganitong kasaysayan ng sariling paghirang at pagbibigay ng kadakilaan. Hindi nalalayo rito ang ginawa ng tatlong batang mambabatas sa pagtawag sa kanilang sarili bilang “Makabagong GomBurZa.”


Sa totoo lang, ang tunay na kadakilaan ay hindi ipinapahayag ng sarili. Ito ay iginagawad ng kasaysayan. Bilang dating nag-aral at naglingkod bilang kura paroko sa pamayanang Katoliko ng UP Diliman, marami tayong nakilalang tunay na dakilang propesor—mga National Scientist at National Artist tulad nina Alfredo Lagmay, Jose Maceda, N.V.M. Gonzalez, at Ramon Pagayon Santos. Walang dudang kahanga-hanga ang kanilang talino at ambag.


Ngunit minsang natanong natin ang isang propesor kung paano nagiging “Professor Emeritus” sa pagreretiro. Ang sagot niya: “Medyo mahiwaga ang proseso. Maraming karapat-dapat ang hindi napipili, at may mga napipili ring hindi karapat-dapat.”

Patunay lamang ito na sa huli, ang tao at ang kasaysayan pa rin ang huhusga kung sino ang tunay na dakila. Hindi maaaring hirangin ng magulang, ng kapangyarihan, o ng sarili ang sarili bilang pinakabanal, pinaka-magaling, o pinakadakila. Ito ang malubhang sakit ng ating lipunan—ang walang kahihiyang sariling pagbubunyi ng mga may yaman at kapangyarihan.


Mabuti’t tila tumatahimik na ang mga tinaguriang “nepo babies” na lantad na ipinagyayabang ang luho sa gitna ng kahirapan ng nakararami. Marahil dahil unti-unting nalalantad na hindi pala sa kanila ang mga ipinagmamalaki—kundi bunga ng mga “ghost flood control projects.”


Ngayong Linggo ay ipinagdiriwang ang Pista ng Pagbibinyag ni Hesus. Kakaiba ang kanyang kuwento: sa halip na magpadakila, pinili niyang magpabinyag kay Juan Bautista. Nang sabihin ni Juan, “Ako ang dapat magpabinyag sa inyo,” tumugon si Hesus, “Hayaan mong mangyari ito ngayon upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Isang malinaw na aral ng pagpapakumbaba at paglilingkod.


Oo, hinirang si Hesus—ngunit hindi ng tao. Pinahiran siya hindi ng papuri kundi ng sariling dugo, pawis, pagdurusa, at kamatayan. Ganoon din ang naging kasaysayan ng GomBurZa. Hindi sila hinirang ng sarili, ng pamilya, o ng kakampi, kundi ng kasaysayan at ng Diyos na tumawag sa kanila na maglingkod—hindi lamang sa buhay, kundi maging sa kamatayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page