Ang kasalanan nina Adan at Eva, ‘di lang laban sa Diyos at kapwa kundi sa kalikasan din
- BULGAR

- Jun 30
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 30, 2025

Giyera, ito ang mainit na usapin ngayon. Nauna ang isa, gumanti ang ikalawa, at gumanti rin ang nanguna. Ngunit merong pangatlo at iba pang nais ding makilahok.
Ito ang problema sa giyera, parang mitsa sa mahabang banig ng paputok. Kapag pumutok ang isa, susunod ang pangalawa at pangatlo. Hindi ito magtutuluy-tuloy kung mahahadlangan ang unang dalawa na umakit pa ng iba.
Mabuti na lang at maski na mahigit dalawang taon na ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, hindi pa lantarang nakikilahok at nakikialam ang mga kakampi ng magkabilang panig. Kaya’t ito ang pinagsisikapan ng marami na huwag nang lumawig pa ang namumuong alitan sa pagitan ng Israel at Iran.
Noong simula, mapayapang namumuhay ang tao kasama ang lahat ng nilikha ng Diyos. Wala siyang inaaring sa kanya. Tulad ng mga hayop, isda, mga bulaklak, puno, batis, bundok, kagubatan at iba pa lahat ay iisa, walang kanya-kanya.
Ngunit iba ang tao, nag-iisip, malikhain. Ika nga’y, “Nilikhang kawangis ng Diyos.” Pero hindi naunawaan ng ilan ang ibig sabihin ng “kawangis ng Diyos.” Kawangis, larawan, katulad ngunit hindi kapantay ng Diyos.
Noong simula na namumuhay ng payak at sapat ang tao tulad ng lahat ng nilikha ng Diyos, hindi niya hinangad ang anumang hindi niya kailangan. Namuhay siya ayon sa tama at sapat lang sa payak at makabuluhang buhay.
Kaya’t inutusan ng Diyos sina Adan at Eva na huwag kumain ng bunga ng puno ng karunungan. Tama at sapat na ang lahat ng pagkaing bumubuhay sa kanila, at wala silang kailangang higit pa rito. Ngunit, tinukso sila ng demonyo na nagsabing, “Hindi kayo mamamatay kapag kumain kayo ng bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama. Subukan ninyo.” Sinubukan nilang kainin, una ang babae, sumunod ang lalaki.
Hindi sila namatay ngunit biglang nabuksan ang kanilang mga mata, nakita nilang hubad pala sila. At nang kinausap sila ni Yahweh, tinanggap nila ang masakit na hatol na kailangan nilang umalis sa paraiso. Sa lupa, kailangan nilang magbata ng buto dahil hindi na kasing dami at hitik ang mga punongkahoy na may bunga at iba pang dating sagana sa bungang makakain. Sa labas ng paraiso, kailangan nang magtrabaho sina Adan at Eva. Kailangan na nilang gamitin ang isip, diwa, imahinasyon sampu ng kanilang mga kamay at paa. Kakailanganin na nilang matutong magtanim at umani sa bunga ng kanilang tinanim, hindi mamimitas lang.
Bunga ng kanilang gawa ang masaganang ani na higit sa kanilang simpleng pangangailangan. Nagpatuloy silang gumawa at patuloy din ang pagdami ng kanilang ani. Anong gagawin nila sa sobra? Ito ang mabuting balita ng paggawa.
Dahil higit sa pangangailangan ang bunga ng kanilang gawa, unti-unting isinilang ang pakikipagpalitan ng produkto sa produktong ginagawa ng iba. Pagtagal-tagal, hindi lang produkto kapalit ng produkto, dumating ang pera na puwedeng ipagpalit sa produkto.
Hindi rin tumagal dumating ang mga bangko at mga korporasyon. Dumating din ang mga makina at ang pagbilis ng produksyon.
Sunud-sunod ang kaunlaran, at isinilang ang iba’t ibang klase sa lipunan: ang mahihirap at lubhang mahirap, at ang mayayaman at ang lubhang mayayaman. Natutunan ng tao kung paano magpalaki ng kapital, ng kinikita at iniipon sa bangko. Natutunan din kung paano maging patas o abusado sa pagkita.
Sa simula pa’y naroroon na ang pangangailangan sa maayos na sistema ng pamamahala, ng regulasyon ng lahat. Mula sa maliliit na grupo ng mga mangangalakal at mga grupo ng mga namamahala sa kaayusan at kaligtasan, isinilang ang mga maliliit na pamahalaan na kalaunan lumaki at nagsilang sa mga kaharian at mga imperyo.
Paano lumaki ang maliliit na kaharian tungo sa mga dambuhalang imperyo? Kundi sa pangangamkam at madalas na pakikipaggiyera. Nasaan na ba tayo ngayon? Umusad ba tayo o pabalik-balik na tayo sa pagpigil sa namumuong giyera, at sa pag-aayos, muling pagbubuo at pagkakasundo pagkatapos ng giyera?
Hindi napag-uusapan at napapansin ng lahat, ang pagbagsak na ito ang sinapit ng kalikasan na kinikilala rin nating Inang Kalikasan. Ito ang tinutukan ng yumaong Papa Francisco: ang trahedya at hamon ng kalikasan (Laudato Si); ang trahedya at hamon ng giyera, at ang sari-aring pagtutunggalian ng tao (Fratelli Tutii).
Mahalaga, maselan, makabuluhan at mahirap na hamon ang ipagtanggol ang kalikasan sa giyera, o ang wakasan ang giyera para sa kalikasan. Ang ganid, ang walang hanggang pagkauhaw sa kita (pera) at kapangyarihan (pulitika, lokal at global) ang nagtutulak ng giyera at ang pagkabulag din sa pagkasangkot ng kalikasan sa lahat ng ito.
Ito ang mahalaga at seryosong hamon hindi lang sa aming munting parokya kundi sa buong simbahan, sampu ng Diyosesis ng Cubao. Hindi lang sa simbahan kundi sa lahat ng bansa sa buong mundo. Wakasan lahat ang giyera at ingatan nating patuloy na maging biktima si Inang Kalikasan. Amen.








Comments