top of page
Search
  • BULGAR

Ang hindi pagsunod sa batas ng karamihan, hindi depensa sa paglabag ng batas

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 9, 2021



Dear Chief Acosta,


Nabalitaan ko iyong insidente tungkol sa paglabag sa batas ng ilang “sports bloggers.” Kaugnay nito, marami akong nababasa na mga komento na kesyo marami namang diumano ang gumagawa at lumalabag dito pero hindi nahuhuli o hinuhuli. Dahil dito, nais kong makumpirma kung maaari nga bang maging depensa sa paglabag ng batas ang katunayan na marami naman na ang hindi sumusunod dito? – Doray


Dear Doray,


Ang sagot sa inyong katanungan ay hindi po. Para sa inyong kaliwanagan, nakasaad sa Article 7 ng Republic Act No. 386, o mas kilala sa tawag na Civil Code of the Philippines, na ang batas ay pinapawalang-bisa lamang ng kasunod na mga batas na papalit o mag-aamyenda, at ang mga paglabag o ang hindi pagsunod ay hindi maaaring patawarin ng hindi paggamit, o kaugalian o kasanayan na kontra rito, viz:


“Article 7. Laws are repealed only by subsequent ones, and their violation or non-observance shall not be excused by disuse, or custom or practice to the contrary.”

Sa gayun, kahit pa man mapatunayang marami ang hindi sumusunod at lumalabag sa batas, gamit ang nabanggit na probisyon, hindi ito maaaring maging depensa o dahilan sa kawalan ng obserbasyon sapagkat ang mga paglabag o ang hindi pagsunod ay hindi nagpapawalang bisa sa isang umiiral na batas.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinion kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page