top of page

Ang Hari ng lahat

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 22, 2023
  • 4 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 22, 2023


Ilang araw na lang ay Pasko na, ang araw na pinakahihintay ng ating mga kababayan kung saan ginugunita natin ang kapanganakan ng ating Panginoong Hesus.


Napakahalaga ng kahulugan ng Pasko sa napakarami nating kababayan, at sa buong mundo ay kilala ang ating bansa na may pinakamahabang pagsalubong sa Kapaskuhan kasabay ng pagsigla ng ating mga pamilihan.


Bagama’t walang kaugnayan sa kautusan ng Simbahang Katoliko ay tila nagkukusa na ang marami nating kababayan na sa unang araw pa lamang ng buwan ng Setyembre ay marami na nagpapatugtog ng mga awiting may kaugnayan sa Pasko.


Alam ng ating mga kababayan na hindi ito inuutos ng simbahan ngunit pagpapakita ito ng maraming Pilipino ng pagkasabik sa pagdating ng araw ng Pasko at katunayan maging ang pamahalaan at mga negosyante ay nakikisabay sa pagbibigay ng maagang benepisyo para mga manggagawa.


Nitong nakaraang linggo bagama’t may babala ang Department of Health (DOH) na mag-ingat sa posibleng paglaganap ng ‘walking pneumonia’ partikular sa Metro Manila ay kitang-kita pa rin ang pagdagsa ng maraming tao sa mga shopping mall at mga restaurant.


Marami sa dinarayo ng ating mga kababayan ay mga pangdekorasyon na maaaring gamitin sa pagsalubong sa Pasko at isa sa mga nangunguna ay ang iba’t ibang laki ng Christmas tree at sari-saring disenyo ng Belen.


Pinakamahalagang tampok ang Belen na inilalagay sa mga simbahan ilang araw bago sumapit ang Pasko na binubuo ng isang nakahigang sanggol sa sabsaban kasama sina Maria at Jose na napapaligiran ng mga pastol at ng kanilang mga tupa.


Hindi mawawala ang tatlong Haring Mago at mga anghel na nagsisiawit sa itaas na bahagi ng Belen dahil sa pagsilang sa Mesiyas na nagbibigay ng napakalaking mensahe para sa kapayapaan hindi lang sa ating bansa kung hindi sa buong daigdig.


Sa Pilipinas ay may ginaganap na Belenismo Festival sa Tarlac na taun-taong dinarayo ng marami nating kababayan na naging dahilan kaya sila tinawag na ‘Belen Capital of the Philippines’ dahil sa labis na pagbibigay importansya nila sa Belen.


Tinawag itong Belenismo na mula sa katagang Belen na salitang Espanyol na ang ibig sabihin ay artistikong paggawa ng Belen na hango noong taong 1223 nang si St. Francis of Assisi at ang ilang kasama ay gumawa ng kauna-unahang Belen.


Ang Belen ay isa sa pinakaprominentang simboliko sa pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas o ang Nativity Scene na galing sa katagang Bethlehem kung saan isinilang si Hesu-Kristo, at mula noon ang Belen ay nagtataglay na ng mensahe ng pagmamahal, awa at kababaang loob ng ating Panginoon.


Dito nagmula ang parol na kasama rin sa disenyo ng Belen na sumisimbolo naman sa liwanag ng tala na diumano ay naging gabay ng tatlong Haring Mago para matunton ang lugar kung saan isinilang si Hesus ay naging permanenteng disenyo na rin ang Belen.


Hindi lang mga simbahan, paaralan at maging ang mga establisimyento sa maraming lugar ay makikitaan na ng Belen at may pagkakataong naglalakihan pa ang mga ito ng tulad sa sukat ng normal na tao.


Sa huling bahagi ng dekada ‘60 hanggang sa unang bahagi ng taong 2000 ay may napakalaking Belen na dinarayo ng marami nating kababayan sa COD building sa Araneta Center ngunit taong 2003 ay inilipat na ito sa Greenhills Shopping Center sa San Juan at sa ngayon ay nasa Taytay, Rizal na.


Noong kasagsagan ng pandemya ay pansamantalang lumamya ang Belen Festival sa Tarlac partikular noong nakaraang taon ngunit ngayong taon ay inaasahang muling magbabalik sigla na ang pagandahan ng mga gawang Belen.


Magarbo at karaniwang may kaya sa buhay ang mga lumalahok sa Belen Festival sa Tarlac dahil halos lahat ng kumpanya, mga negosyo, mga pribadong indibidwal at mga kilalang grupo ay lumalahok sa Belen Festival sa Tarlac na dinarayo tulad din ng pagdayo sa Panagbenga Festival sa Baguio.


Patuloy na pinupuntahan ng ating mga kababayan ang mga nagdaang piyesta ng Belen sa Tarlac dahil sa kahusayan at karunungan ng ating mga kababayan sa paggawa ng Belen na may iba’t ibang klase ng materyales na hindi mo aakalaing magagawa.


Kahanga-hanga ang paggamit ng sako ng bigas bilang materyales, may gumagamit ng pinatuyong damo, sawali, kawayan ngunit kapag nalagyan na ng magagandang ilaw ay hindi mo mapipigilang mamangha dahil sa sobrang gaganda ng mga Belen.


Buong mundo na ang nahuhumaling sa Belen dahil sa kasalukuyan ay itinatampok din ito sa maraming bahagi ng mundo tulad sa gitna ng St. Peter’s Square sa Vatican.


Mayroon din sa Metropolitan Museum of Art sa New York City at Carnegie Museum of Arts sa Pittsburgh.


Hindi rin nagpapahuli ang mga siyudad sa Australia, Canada, Germany, Italy, Poland at United Kingdom ay may kani-kanyang naglalakihang Belen at ang Nativity Scene sa Bethlehem mismo kung saan nagsimula ang lahat, sa Orthodox Church of the Nativity na siya ring plaza ng naturang lugar.


Kahit gaano kaganda o kamahal ang ating Belen ay hindi ito kasing halaga ng tunay na diwa nito — dahil ito ang nagpapaalala sa marami nating kababayan na sa panahong ito ay isinilang ang ating tagapagligtas — Ang Hari ng Lahat!

 

Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page