Ang hamon ng sama-samang pagtutulungan para pigilan at wakasan ang lahat ng giyera
- BULGAR
- 2 hours ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 21, 2025

Sinimulan nating isulat ang pagninilay na ito sa titulong “Edukasyon at Giyera.”
Bago natin umpisahan ang pagsusulat, natitigan natin ang mga kataga at nagbago ang ating isip. Meron bang kaugnayan ang edukasyon sa giyera? Sa karaniwang pang-araw-araw na buhay, hindi nalilihis sa tema ng giyera ang mga leksyon sa paaralan.
Sa unang pahina ng isang pahayagan, makikita noong nakaraang Martes ang larawan ni Pangulong Bongbong Marcos na may hawak na flashcard na ang nakasulat ay ang salitang “ama.” Nakangiti si PBBM habang hawak nito ang flashcard.
Presidente, flashcard, salitang ‘ama,’ ang mga magaaral ay nakatingin at nakikinig. Ganito ang karaniwang matutunghayan ng lahat sa mga silid-aralan sa buong kapuluan. Tungkol sa pagbubuo, paghuhubog at paggabay sa mga mag-aaral ang bawat sandali sa loob ng paaralan. Hindi pinag-uusapan ang kaaway at ang iba’t ibang paraan upang labanan at lipulin ito.
Tamang-tama ang petsa ng araw ng pagsusulat natin ng pagninilay. Ika-19 ng Hunyo (1861) ay ang kaarawan ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal. Isandaan at animnapu’t apat na taong gulang na siya ngayon. Nasa 35 taon siya nang binaril siya noong Disyembre 30, 1896 sa Bagumbayan (Luneta), Maynila.
Ang buong buhay ni Rizal ay inialay niya sa pagdadalubhasa sa maraming sangay ng kaalaman. Nag-aral siya ng Ophthalmology (doktor ng mata).
Pinag-aralan niya ang kasaysayan ng mga bansa na may partikular na interes sa pulitika. Dahil sa kanyang interes sa iba’t ibang kasaysayan at pulitika, pinag-aralan at nagsanay din siya sa iba’t ibang wika: Europeo, Latin, Español, Griyego, Ingles, Frances, Aleman, Portuguese, Italiano, Holandes, Russo, at Swedish o Suweko, Filipino: Tagalog, Ilokano, Cebuano, atbp; Oriental: Arabika, Chinese, Sanskrit, Hebreo at Hapon.
Bininyagan din siyang Katoliko ngunit sumapi siya sa mga Mason. Isang katangian ng mga dalubhasa ay ang malayang paghahanap sa katotohanan at kaalaman. Ganito nga ang naging buong buhay ni Rizal. Kaya ginamit niya ang kanyang kaalaman upang ilaban ang mga karapatan at pati ang kasarinlan ng mga Pilipino. Ngunit, pakikipag-usap, paghahanap ng mga sagot sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan at talakayan at hindi marahas, madugo at nakamamatay na pakikipagdigma ang kanyang piniling paraan. Ito ang naging layon ng kanyang pagsusulat sa La Solidaridad at sa kanyang pagsapi sa kilusang propaganda sa España.
Iba ang naging landas ni Andres Bonifacio na nagtatag ng Katipunan. Nag-aralan ng sarili si Andres. Bago niya itinatag ang Katipunan nabasa niya ang Les Miserables ni Victor Hugo, at tiyak marami rin siyang nabasa sa mga sipi ng La Solidaridad at anumang mga komunikasyon na galing sa kilusang propaganda sa Madrid. Kaya’t kapwa kilala sina Rizal at Bonifacio bilang mga rebolusyonaryo, ang isa ay sa mapayapang pamamaraan at ang pangalawa sa pamamagitan ng madugong rebolusyon. Kaya’t sa isang kilalang sinulat ni Rizal, sinabi niya na, “Na sa labanang ito, walang hihigit pa sa sandata ng karunungan ng tao at sa puwersa ng kanyang puso.”
Kapwa rebolusyonaryo sina Rizal at Bonifacio. Pareho silang dalubhasa sa mga kaalamang kinailangan at ginamit nila. Ngunit hindi maiaalis ang kahalagahan ng edukasyon o ang paghuhubog ng kamalayan at pagkatao sa kanilang mga pangarap at pagpupunyagi. Hindi maaaring balewalain ang kahalagahan ng edukasyon sa buhay nina Rizal at Bonifacio. Alam ng dalawang hindi magtatagumpay ang anumang rebolusyon, mapayapa man o madugo kung walang malalim na pag-aaral, pagninilay, pagsasaliksik at pagdadalubhasa. Kaya’t bago pa humantong sa pagpaplano at pagsasagawa ng “giyera,” isinagawa ng dalawa ang matinding pag-aaral, pananaliksik, at pakikipag-usap o pakikipagtalastasan sa mga kapwa rebolusyonaryo.
Masalimuot ang giyerang nagaganap sa pagitan ng Israel at Palestine sa Gitnang Silangan. Lumahok ang Iran na nakipagpalitan na ng bomba sa Israel. Nagpaparinig na ang pangulo ng Estados Unidos na baka siya makialam. Aral ang mga bansang ito sa sining ng giyera ngunit aral ba sila sa sining ng kapayapaan?
Noong buhay si Papa Francisco, patuloy siyang nananawagang itigil ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia. Ganoon din sa giyera ng Israel laban sa mga Hamas na damay ang buong Palestine.
Ganyan din ang sinisimulang gawin ng bagong Papa Leo XIV. Sa panahong ito na maraming may kakayahang gumamit ng sandatang nukleyar, napapanahong magkaisa at isulong nang husto ang edukasyon para sa kapayapaan at wakasan na ang kahibangan ng giyera. Higit na kinakailangan ngayon ang mga guro, mga pinunong dalubhasa sa edukasyon para sa kapayapaan, sa edukasyon sa pagpigil, pagpapahinto at pagwawakas sa giyera.