top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Ang epekto ng pagkaantala sa pagsampa ng reklamo sa kredibilad ng testigo

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 22, 2021
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 22, 2021



Dear Chief Acosta,


Ako ay saksi at testigo sa krimen. Aminado akong may katagalan bago ko naipon ang lakas ng loob ko upang magreklamo at ituloy ang pagsampa ng kaso. Kaugnay nito, may nakapagsabi sa akin mula sa mga kamag-anak ng akusado na maaari diumanong maapektuhan ang aking kredibilad bilang testigo dahil sa pagkaantala ng aking pagrereklamo. Dahil dito, nais kong malaman kung tunay bang makasasama sa aking estado bilang saksi ang aking paghihintay at pag-iipon ng lakas ng loob bago ko itinuloy ang aking pagkaso at akusasyon? – Aubrey


Dear Aubrey,


Ang sagot sa inyong katanungan ay hindi po. Para sa inyong kaalaman, sinagot na ng Korte Suprema ang katulad na katanungan sa isa sa mga naging desisyon nito. Kaugnay nito, inilahad ng Kataas-taasang Hukuman sa kasong People vs. Fernandez (G.R. No. 134762, July 23, 2002), sinulat ni Honorable former Associate Justice Leonardo Quisumbing, na ang delay o pagkaantala diumano sa pag-uulat ng krimen ay hindi makaaapekto sa kredibilidad ng testigo hangga’t ang delay o pagkaantala ay mayroong sapat na dahilan, viz:


“Appellant’s allegation that it took Mrs. Bates more than nine months to make a criminal accusation against him before the police is, thus, correct. However, delay in reporting the crime or identifying the malefactors does not affect the credibility of a witness for as long as the delay is sufficiently explained. When the police queried Mrs. Bates why she waited until appellant was arrested before filing her complaint with them, she disclosed that she feared appellant might kill her, too. Fear of reprisal has been accepted by this Court as an adequate explanation for the delay or vacillation in filing criminal charges. The delay in making the criminal accusation having thus been explained, her credibility as a witness remains unimpaired.” (Binigyang-diin)

Base sa inyong kuwento, kaya naantala ang inyong pagrereklamo ay dahil sa inyong naunang kakulangan ng lakas ng loob na magpatuloy sa pagsampa ng kaso. Samakatwid, ang kadahilanan ng pagkaantala ay tulad sa binanggit na kaso kung saan dahil sa takot ay hindi agad naisampa ang kaso. Dahil dito, tulad ng naging pasya ng Korte Suprema, masasabi rin nating ang pagkaantala o delay sa inyong pagrereklamo ay hindi makaaapekto sa inyong kredibilidad bilang testigo.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinion kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page