top of page

Ang budget ng PhilHealth ay para sa health!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 11, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Kamakailan lamang, naglabas ng unanimous decision ang Korte Suprema na

nagsasabing dapat ibalik sa PhilHealth ang P60 bilyon excess funds nito na nailipat sa National Treasury noong 2024. Sa unang araw pa lang, bago pa man may nag-file ng petition sa Korte Suprema, nilabanan na natin ito. Sabi ko nga noon, the fund transfer is morally unacceptable. At ngayon ay idineklara itong ilegal mismo ng Korte Suprema.


Ang desisyon ng Korte Suprema ay hustisyang matagal nating hinintay para sa mga pasyenteng umaasa sa PhilHealth.


Noong panahon na ako ang Chairperson ng Senate Committee on Health, paulit-ulit kong binigyang-diin sa mga hearing ng komite na ang PhilHealth ay para sa pangangalaga sa kalusugan. Binanggit ko noon na ang pondo ng PhilHealth ay para sa health — "they must be used solely to improve the health and wellness of our people, not for projects unrelated to their care.”


Ayon sa desisyon, malinaw na labag sa Universal Health Care Act ang paglipat. Ang anumang excess sa pondo ng PhilHealth ay dapat gamitin upang palawakin ang benepisyo o bawasan ang premium contribution ng miyembro — hindi para sa pangkalahatang gastusin ng gobyerno. Ang pondong ito ay eksklusibong para sa kalusugan.


Lubos ang aking pasasalamat sa Korte Suprema sa pakikinig sa hinaing ng mga ordinaryong Pilipino na binigyan natin ng boses sa makailang ulit na pagdinig. Pinagtitibay ng desisyong ito na ang kalusugan ng taumbayan ang dapat laging inuuna.

Masaya tayo pero hindi rito nagtatapos ang laban. Dapat ipaliwanag sa publiko kung paano ginastos ang P60 bilyon na transferred funds dahil marami ang nangangambang baka nagamit ito sa unprogrammed funds at maging sa flood control at ghost projects na ginagawang gatasan ng ilang mapagsamantala.


Bilang inyong senador, babantayan ko na tuluyang maibabalik ang kabuuan ng pondo para magamit lamang para sa mas maayos na serbisyong medikal, mas mabilis na claims processing, mas malawak na coverage, at mas mataas na kalidad ng benepisyo para sa mga miyembro.


Samantala, noong December 5, personal nating iniabot ang suporta sa mga kooperatiba sa ilalim ng Cooperative Development Authority (CDA) North and South Luzon Clusters bilang pagkilala sa mahalagang papel nila sa pagpapatatag ng kabuhayan at community-based enterprises. Dumalo rin tayo sa League of Vice Governors of the Philippines’ 103rd Year-End National Assembly na nagbigay-diin sa pagkakaisa, pamumuno, at tapat na pamahalaan sa lahat ng lalawigan.


Nitong December 8 naman, dumalo ako sa Annual Survivors Day Celebration ng House of Hope Foundation bilang pagkilala sa tapang at determinasyon ng mga batang cancer survivors at kanilang mga pamilya. Mahigit 20 taon na naming naging tradisyon ni former President Rodrigo Duterte na kada-taong personal na magpaabot ng pagmamahal at saya sa mga bata doon. Nagpapasalamat rin ako sa dedikasyon ng mga doktor, caregivers, at volunteers.


Noong nakaraang linggo, pumunta ang ating Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad upang tumulong sa ating mga kababayan. Nag-abot sila ng karagdagang tulong sa mga biktima ng sunog sa Cuenca, Agoncillo, Tuy, at Mataas na Kahoy sa Batangas, at sa Bacolod City, Negros Occidental. Nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng tulong mula sa pambansang pamahalaan upang makabili ng materyales sa pagpapatayo muli ng kanilang tahanan. Dagdag pa rito, ang mga biktima ng sunog sa Pasig City ay nabigyan din ng tulong ng Malasakit Team.


Sa Canlaon City, Negros Oriental, nakatanggap din ng tulong ang mas marami pang biktima ng Typhoon Tino sa koordinasyon ng lokal na pamahalaan. Nagbigay din tayo ng tulong sa mga displaced workers sa Maigo, Lanao del Norte; Puerto Galera sa Oriental Mindoro; Loboc, Bohol; at sa Batad, Estancia, Dueñas, at Calinog, Iloilo.


Dumalo rin ang ating Malasakit Team sa blessing at turnover ceremony ng Super Health Center sa Titay, Zamboanga Sibugay; at isa pa sa Pikit, Cotabato. Dumalo rin ang Malasakit Team sa CDA Awarding sa Cagayan de Oro City kung saan nabahagian ng tulong ang mga kooperatiba mula sa Region 9 at Region 10.


Patunay ang desisyon ng Korte Suprema na kayang mapigilan ang mga iregularidad kapag sama-sama ang bansa sa paglaban. Ituloy natin ang laban sa iba pang isyu ng korupsiyon tulad ng flood control at ghost project scandal. Kaisa ako ng sambayanang Pilipino sa ating krusada upang papanagutin ang mga responsable sa kaguluhang ito.

Bilang Mr. Malasakit, itutuloy ko ang serbisyo para sa sambayanang Pilipino sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page