ANDI, IDINAAN SA TULA ANG MENSAHE PARA KAY JACLYN
- BULGAR
- Mar 6, 2024
- 1 min read
ni Julie Bonifacio @Winner | March 6, 2024

Sa unang pagkakataon ay nag-post sa social media si Andi Eigenmann sa gitna ng kanyang pagdadalamhati sa pagyao ng kanyang inang aktres na si Jaclyn Jose.
Isang madamdaming mensahe na idinaan ni Andi sa pamamagitan ng tula ang kanyang ipinost bilang pagpaparangal niya kay Jaclyn.
“Ika'y nasa araw, sa ulan, at sa hangin na aking nilalasap. Umaawit ng kantang puno ng pag-asa at ligaya,” panimula ng tula ni Andi.
Karugtong pa nito, “Wala na ang sakit. Wala na ang takot. Makikita kita sa mga ulap, maririnig ang iyong mga bulong ng pagmamahal. Magkikita din tayong muli. Sa ngayon, didinggin ko muna ang iyong mga awit.”
Kasalukuyang pinaglalamayan ni Andi at ng kanyang mga kapamilya ang abo ni Jaclyn sa Arlington Chapels, Quezon City, habang patuloy naman ang pagbibigay-parangal kay Jaclyn ng mga kaibigan at mga kasamahan sa showbiz.
Sa pagpanaw ng ina, lalong nabawasan si Andi ng rason para manatili sa Maynila kaya asahan na nating sa Siargao island na talaga siya mananatili.
Comments