Anak, haping-hapi… KRIS AT KATRINA, UMAMING NAGKABALIKAN NA

ni Melba R. Llanera @Insider | September 29, 2026

Photo: FB / Katrina Halili P.
Kumpirmadong nagkabalikan na sina Kris Lawrence at Katrina Halili pagkatapos ng labindalawang taong paghihiwalay.
Ang mismong anak nilang si Katie ang nagbalita na naganap pala ito noong September 13, pagtungtong ng alas-dose ng hatinggabi.
Nag-post naman sa kanyang Facebook (FB) account si Kris na nagsasabing nagkabalikan na nga sila ni Katrina.
Sey ng singer (as is), “New Chapter: I told you I gotchu (got you), and I meant that. No need to rush anything... One step at a time, enjoying where this takes us. All I know is I’m happy... KAMI NA bahala where this new chapter takes us.”
Nag-upload naman kagabi si Katrina ng YouTube (YT) video ng kanilang pamilya na may pamagat na It's Official!?. Sa YT vlog ay makikita na nakaupo sina Kris at Katrina sa kama, habang nasa likuran nila si Katie na siyang nagkumpirma ng kanilang relasyon.
Tila nag-iiwasan pa sila na magsabi nang biglang sumigaw ang anak na nagkabalikan na ang dalawa. Nagtanong pa si Katrina kung sila na ba, na agad namang sinagot ni Katie ng “Opo.”
Tinanong din ni Katrina kung nakita ba ni Katie na nagkabalikan sila. Agad naman itong sumagot ng “Opo” dahil nakikita silang nagki-kiss at nagkikilitian.
Ayon pa kay Katie, pumayag siyang magkabalikan ang mga magulang dahil “mag-asawa” naman ang mga ito.
Dito ay sabay na nagsabi ang dalawa ng “Surprise! Kaming dalawa na.”
Maraming netizens ang nagpahayag ng saya sa pagbabalikan nina Katrina at Kris dahil buo na ngayon ang pamilya nila. Marami rin naman ang hindi na nagulat sa kumpirmasyon at inasahan na sa pagbabalikan talaga mauuwi ang lahat kung ang pagbabasehan ay ang presensiya ni Kris sa buhay ng kanyang mag-ina.
Noong nakaraang 17th Star Awards for Music ay si Katrina ang tumanggap ng Male R&B Artist of the Year award na napanalunan ni Kris, na hindi nakarating dahil nasa ibang bansa ito at may show.
Nagkaiyakan daw sila ni Mother Lily…
ATE VI, UMAMING FLOP ANG SISTER STELLA L. MOVIE NIYA NOON
Ngayon pa lang ay inaabangan na ng mga Vilmanians ang Hall of Fame Award ni Star for All Seasons-Gov. Vilma Santos-Recto for Movie Actress of the Year sa darating na 42nd Star Awards for Movies sa October 25 na gaganapin sa Winford Resort and Casino.
Ang Star for All Seasons ang kauna-unahang aktres na tatanggap ng Hall of Fame sa nasabing kategorya, kung saan sampung beses na siyang nanalo sa mahusay niyang pagganap sa iba’t ibang pelikula at karakter na ginampanan niya.
Kabilang sa mga pelikulang ito ay: Pahiram ng Isang Umaga, Anak, The Dolzura Cortez Story, Bata, Bata... Pa'no Ka Ginawa?, Dekada ‘70, Mano Po III (My Love), In My Life, Everything About Her, When I Met You in Tokyo at Uninvited.
Samantala, nagulat kami sa nakaraang talkback session ng restored movie ni Ate Vi na Sister Stella L. (SSL), kung saan inamin ng aktres na hindi pala kumita ang nasabing pelikula noong 1984.
Ang dahilan ay bomb scare, natakot daw ang mga tao na manood sa mga sinehan, at pulitikal din kasi ang tema ng pelikula na tumatalakay sa welga laban sa mapang-abusong kapitalista.
Pagkukuwento pa ng Star for All Seasons, personal siyang pumunta kay Mother Lily Monteverde na producer ng pelikula at humingi ng paumanhin dahil nag-flop nga ito at dito ay nag-iyakan daw sila.
Pero hindi man pinalad maging box office hit ay humakot naman sa iba’t ibang award-giving bodies ang pelikula, mga artistang napakahuhusay na gumanap dito at ang direktor na si Mike de Leon, na isa sa pinakamagagaling na direktor ng kanyang henerasyon.
Nang napanood namin nang buo ang pelikula sa 4K high-definition restored version nito ay mas na-appreciate namin ang SSL, na ipinalabas pa sa mga pandaigdigang pagdiriwang tulad ng II Cinema Ritrovato sa Italya.





Comments