top of page
Search
  • BULGAR

Aminado si P-Digong…“Utang na loob” ang dahilan kaya may posisyon sa Gov’t si Lao

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | September 04, 2021



Ano’ng madalas idepensa ng taong natatalo na sa diskusyon, debate o argumento? Hindi ba’t idinadaan nito sa personalan? Hindi ba, magtuturo ng ibang isyu, tao o grupo na mas masama pa umano ang ginawa o kaya’y ibabalik ang tanong sa nagtatanong, paglilihis?


Lahat ‘yan ay ginawa ng Palasyo, nitong mga nakaraang araw habang nagaganap ang imbestigasyon ng Senado sa napakamahal na pagbili ng mga gamit laban sa pandemya tulad ng PPE, at iba pang healthcare supply. Ang nakapagtataka pa, mula sa nag-iisang supplier — bilyun-bilyon ang halaga ng nakuhang kontrata ng Pharmally Pharmaeuticals Corp.


Pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang katawan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Richard Gordon, na dapat umanong magpapayat. Binatikos nito ang huli dahil sa ginawang imbestigasyon sa dating namuno sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (DBM), Lloyd Christopher Lao.


Inamin pa ni Pangulong Duterte na “utang ng loob” ang dahilan kaya binigyan niya ng posisyon sa gobyerno si Lao. Karamihan ng miyembro ng gabinete nito ay mga tumulong sa kanyang sa kampanya o kaya’y ‘fraternity brad’, tulad nina Lao, Aguirre, Argosino at Robles, mabanggit ang ilan. Noong binubuo ni Pangulong Duterte ang gabinete, “best and brightest” umano ang mga ito, kayo na ang humusga.


Samantala, pinuna rin nito ang buhok ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, at tinanong kung malinis siya. May ilalabas umano ito kapag hindi nagustuhan ang sagot. Para namang may saysay ang mga ‘yan sa isyung iniimbestigahan. At wala bang mataba sa kanyang gabinete, una na ang madalas nating makitang tagapagsalita niya? Lahat ba sila ay maaayos ang buhok, o may buhok? Ano’ng kinalaman ng buhok sa isyu ng bayan? Wala.


Ngayon, ang kanilang bagong depensa, mas mataas presyo ng pagbiling PPE ng nakaraang adminstrasyon. May pandemya na ba noong panahong iyon? Alam na ba ng tao kung ano ang PPE? Saan ginamit ang mga PPE na ‘yan, dahil sa ating pagkakaalam, wala namang naganap na pandemya sa dating administrasyon? Malinaw na paglilihis ng usapan ang ginagawa ng Palasyo.


Gayunman, “panic mode” na umano si Pangulong Duterte kaya ganyan na ang mga depensa. Pati si Michael Yang, ang dating “economic adviser” ay ipinagtanggol rin nito kahit lumantad na may kuwestiyunable palang nakaraan. Ang mga ka-negosyo ay pugante sa Taiwan. Kahit nang-iinsulto na ang pangulo ay hindi umano ititigil ang imbestigasyon sa isyung ‘to. Dapat lang. May natatamaan nang buto, kaya ganyan na ang depensa. Nanggagalaiti na kaya ganyan ang pananalita. Tsk!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page