All Star Game: Durant at Lebron, team captains
- BULGAR

- Feb 20, 2021
- 2 min read
ni MC / Anthony E. Servinio - @Sports | February 20, 2021

Tuloy na tuloy na ang 2021 NBA All-Star Game sa Marso 8 (oras sa Pilipinas) sa State Farm Arena ng Atlanta, Georgia at magsisilbing mga kapitan sina LeBron James ng defending champion Los Angeles Lakers at Kevin Durant ng Brooklyn Nets matapos parehong manguna sa pagwawakas ng botohan online ng mga tagahanga noong Pebrero 16.
Si James ang may pinakamaraming boto at sasamahan siya nina Nikola Jokic ng Denver Nuggets, Kawhi Leonard ng LA Clippers at mga guwardiyang sina Stephen Curry ng GS Warriors at Luka Doncic ng Mavs na mula sa WestCon. Ang iba pang nakapasok galing Eastern Conference ay sina Kyrie Irving at numero unong scorer na si Bradley Beal ng Wizards, Joel Embiid ng 76ers at MVP Giannis Antetokounmpo ng M'Bucks.
Ang mga kapitan ang aatasang bumuo ng team sa bisa ng isang draft na may gabay ng 30 coach kung saan maaari silang pumili sa parehong Eastern at Western Conference. Gagamitin ang format ng 2020 All-Star Game kung saan pinarangalan ang namayapang alamat na si Kobe Bryant.
Ang unang tatlong quarter ay magsisimula sa 0-0 at kung saan maglalaro para sa mga napilang kawanggawa. Hindi gagamitin ang orasan sa 4th quarter at ang pangkalahatang magwawagi ay ang unang makakaabot ng takdang iskor – pagsasamahin ang puntos mula sa tatlong quarter at ang puntos ng lamang na koponan ay dadagdagan ng 24, ang numero ng uniporme ni Bryant.
Matatandaan na humabol ang Team LeBron mula sa 9 puntos upang talunin ang Team Giannis, 157-155. Si Leonard ang napiling MVP sa bisa ng 30 puntos. Hindi mawawala ang mga nakagawiang mga palaro tulad ng Skills Contest at Three-Points.Ang inaabangang Slam Dunk ay gaganapin sa halftime. Matapos ang masinsinang usapan ng liga at unyon ng Players Association (NBPA), nagkasundo ang sila na magpapatupad ng bubble sa nag-iisang hotel para sa lahat ng manlalaro at opisyal at isang masusing pagsusuri. Bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa mga iskolar na kabataang Aprikanong Amerikano at tulong laban sa COVID-19 lalo na sa mga pamayanan ng mga minorya.





Comments