Llover balik upak kontra Kumar sa Mano-A-Mano 3

by Gerard Arce @Sports News | October 16, 2026

Photo: Makikipag-umbagan si Filipino boxing rising star Kenneth “The Lover Boy” Llover kontra Indian boxer Sandeep Kumar sa Oktubre 24 para sa Mano-A-Mano 3 sa Dasmariñas Arena, Cavite. (AG'ssports)
Gigil na magbabalik-upak si Filipino boxing rising star Kenneth “The Lover Boy” Llover kontra Indian boxer Sandeep Kumar sa Oktubre 24 para sa Mano-A-Mano 3 sa Dasmariñas Arena sa Dasmariñas City, Cavite, matapos kapusin sa huling laban noong Hunyo para sa isang title contention.
Determinadong makabawi ang 23-anyos na tubong General Trias, Cavite matapos kapusin sa International Boxing Federation (IBF) bantamweight title eliminator laban kay undefeated Michael Angeletti na ginanap sa Aichi Sky Expo sa Tokoname, Japan na nagtapos sa 12-round split decision.
Muling susubok na mas mapaangat ni Llover ang posisyon sa IBF, na nakatuntong sa No.9 sa rankings, kasunod na rin ng pormal na pag-akyat ni 2-time undisputed champion Naoya “The Monster” Inoue sa featherweight division, habang tangan ni Sam Goodman ng Australia ang interim title belt.
Kailangang makakuha ng sunod-sunod na panalo at kumbinsidong tagumpay si Llover upang muling maibalik ang kanyang momentum at manatili sa landas patungo sa pagkakataong lumaban para sa isang world title.
Ilan sa mga bigating makakatapat ni Llover sa 122-pound division sina Junto Nakatani, Ramon Cardenas, Ryosuke Nishida, Murodjon Akhmadaliev, Mukhammad Shekhov, Bryan Vasquez, at mga Filipino boxers na sina Carl Jammes “Wonderboy” Martin, mag-utol na Alex Santisima Jr., at Gabriel Santisima at dating three-division titlist John Riel “Quadro Alas” Casimero.
Sa kabilang banda, matapos ang halos dalawang taong pagkakatengga, babalik laban ang 32-anyos na si Kumar na huling beses nasilayan sa 2nd round technical knockout na pagkatalo kay Kalolo Amir ng Tanzania noong Nobyembre 16, 2024.





Comments