All-Star Doncic ng Mavs, matinik; Final game na sa NBA G-League

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 12, 2021

Patuloy ang pagpapamalas ng pormang All-Star si Luka Doncic ng Dallas Mavericks at nagtala siya ng triple double sa kanilang 115-104 panalo kontra sa bisitang San Antonio Spurs sa pagbabalik ng NBA kahapon sa American Airlines Center. Uminit sa huling 5:28 si Kristaps Porzingis upang kumalas sa tablang 95-95 at tuluyang lumayo ang Mavs para sa kartadang 19-16 habang bumaba ang Spurs sa 18-15.
Ipinasok ni Porzingis ang 13 ng kanyang 28 puntos na may kasamang 14 rebound sa nasabing kritikal na bahagi ng mainitang labanan. Malaking tulong iyon sa numero ni Doncic na 22 puntos, 12 rebound at 12 assist sa loob ng 39 minuto.
Balot ng drama ang kampo ng Spurs matapos ihayag na pakakawalan na nila si dating All-Star LaMarcus Aldridge. Ang San Antonio ang tahanan ni Aldridge buhat pa noong 2015 at sisikapan ng koponan na maghanap ng trade bago sumapit ang Marso 25, ang itinakdang huling araw ng NBA na maaaring magpalitan ng manlalaro.
Sa isa pang laro, nagising sa tamang panahon ang Memphis Grizzlies upang maiwasang mapahiya sa bisitang Washington Wizards, 127-112. Isinalba nina Jonas Valanciunas at Ja Morant ang Grizzlies upang umakyat sa 17-16 habang bumaba ang Wizards sa 14-21.
Sinayang ng Grizzlies ang kanilang 19 puntos na lamang noong second quarter, 60-41, at saglit pinatikim sa Wizards ang 74-73 na lamang sa third quarter. Iyan ang naging hudyat para magtrabaho nina Valanciunas na nagtapos na may 29 puntos at 20 rebound habang double-double din si Morant na 21 puntos at 10 assist habang nag-ambag ng 20 puntos si rookie Desmond Bane.
Kailangang maghintay pa ng kaunti ang mga tagahanga ng Brooklyn Nets at hindi muna maglalaro ang bagong pirmang si Blake Griffin (tuhod) at Kevin Durant (hita) kontra sa Boston Celtics ngayong araw. Parehong nagpapagaling ang dalawang bituin kaya ang tututukan ang tapatan ng mga All-Star na sina Kyrie Irving at James Harden laban kay Jayson Tatum at Jaylen Brown.
Samantala, paglalabanan ngayong araw ang kampeonato ng 2021 NBA G League sa pagitan ng #4 Delaware Blue Coats at #6 Lakeland Magic sa bubble ng ESPN Wide World of Sports sa Orlando, Florida. Nanaig ang mga dehado sa semifinals noong Miyerkules kung saan ginulat ng Blue Coats ang #1 Raptors 905, 127-100, habang pinatid ng Magic ang #2 Santa Cruz Warriors, 108-96.





Comments