ALDEN, UMAMING 5 BESES NAUDLOT NA MAGKA-GF SA SHOWBIZ

ni Beth Gelena @Bulgary | September 15, 2026

Photo: Paulo Avelino at Kim Chiu - IG
Naging emosyonal ang Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards sa nagbabalik na Gandang Gabi Vice (GGV), kung saan siya ang unang guest ni Unkabogable Star Vice Ganda.
Isa si Alden sa mga itinuturing na in demand actors ng kanyang henerasyon. Mula sa paggawa ng supporting roles, unti-unti siyang naging isa sa mga hinahangaang leading men sa industriya.
Sa kabila ng kanyang tagumpay, ipinakita rin ni Alden sa naturang episode na mayroon din siyang mga vulnerable moments. Nagkaroon sila ni Vice ng mga nakakatawang eksena kasama ang ilang fans ni Alden na nagsilbing studio audience.
Gayunman, naging seryoso na ang kanilang pag-uusap nang tanungin ni Vice si Alden tungkol sa kanyang love life. Inamin ng aktor na nagkaroon siya ng dalawang official girlfriends noong high school kung saan hindi pa siya bahagi ng showbiz.
Pagdating naman sa kanyang mga naging romantic relationships sa industriya, sinabi ng aktor na nagkaroon siya ng mga relasyong ‘almost but not quite’.
Ayon sa aktor, limang beses daw itong nangyari. Hindi na niya pinangalanan ang mga taong sangkot dahil aniya, nailabas na rin sa publiko ang mga ito noon.
“Feeling ko, ang love life sa ‘kin, medyo mailap s’ya for the past 15 years na,” pagbabahagi niya.
Inamin din niya ang pressure na nararamdaman dahil hindi na siya bumabata. Alam din daw niyang bahagi ng kulturang Pilipino ang pagkakaroon ng partner at pagse-settle down sa tamang edad.
Matapos ang kanyang huling ‘almost but not quite’ statement, sinabi ni Alden na hindi na siya maghahanap ng pag-ibig at hihintayin na lamang niya ang right girl na dumating.
“7 billion people in the world, imposibleng walang isa ru’n na para sa akin,” pakli niya.
Ibinahagi rin ni Alden ang isang mahalagang realization tungkol sa paghahanap niya ng pagmamahal.
Pahayag niya, sa matagal na panahon ay hinahanap niya ang pagmamahal mula sa ibang tao, ngunit kalaunan ay napagtanto niyang hindi pala iyon ang tunay na kailangan niya.
“Pagmamahal pala sa sarili ang kulang,” sey ni Alden at tuluyan nang naiyak.
Matapos ang naturang episode, nag-post si Vice Ganda sa X tungkol sa naging emosyonal na sandali ni Alden at ibinahagi niyang halos 10 minuto itong umiyak.
Kuwento ng host, “That breakdown took almost 10 minutes. And parang ayaw ko ng ituloy ‘yung interview kasi awang-awa ako sa kanya. Grabe ‘yung iyak n’ya. But he insisted to still continue. Haaaayyy!!! Love you, Alden!”
Sumagot naman si Alden sa post at sinabing “Love you, Vice.”
Madir, nagsumbong sa padir na si Rommel…
KARLA AT DANIEL, MAGKALABAN SA PULITIKA, NAG-AWAY
NAGSALITA si Rommel Padilla tungkol sa magkaibang paninindigan sa pulitika ng kanyang anak na si Daniel Padilla (DJ) at ng ina nitong si Queen Mother Karla Estrada, na minsan na umanong nagdulot ng hindi pagkakaunawaan sa dalawa.
Sina Rommel at Karla ay parehong aktibo sa larangan ng pulitika, bukod sa pagiging showbiz personalities.
Noong 2022 elections, very vocal si DJ sa pagsuporta kay dating Vice-President (VP) Leni Robredo bilang presidente. Sina Rommel at Karla naman ay kabilang sa UniTeam, ang team nina Bongbong Marcos at Sara Duterte.
Sa YouTube (YT) channel ni Ogie Diaz kamakailan ay nakapanayam niya si Rommel tungkol sa mga paniniwala ni Daniel.
Ayon kay Ogie, wala pa siyang naririnig na komento mula sa aktor tungkol sa pulitika. Tinanong din niya si Rommel kung sinasabihan ba niya ang anak na huwag magsalita kapag pulitika ang pinag-uusapan.
Ani Rommel, hindi niya hinahadlangan si Daniel sa pagsasalita. Tahimik lang daw talaga ang kanyang anak.
Sinabi rin niyang magkaiba sila ng paniniwala, pero hindi raw sila kailanman nagtalo tungkol dito at hindi rin nila sinubukang kumbinsihin ang isa’t isa na maniwala sa kani-kanyang political stance.
Sey niya, “‘Pag nagkikita kami n’yan, hangga't maaari, ‘di namin mapag-usapan ‘yang pulitika.”
Pakli naman ni Ogie, “Kasi baka pag-awayan n’yo.”
Wika naman ni Rommel, “Mama n’ya ‘yun. Karla, hello!” natatawang sabi ni Rommel habang iwinawagayway ang kamay.
“Ito, ikukuwento ko lang. Tumawag sa akin si Karla, ‘Ano ba ‘yang anak mo! Magaling sa pulitika, mas magaling pa sa ‘kin!’” pagbabahagi ng kapatid ni Sen. Robin Padilla.





Comments