top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Alamin: Marriage settlement bago ikasal

BULGAR
Oct 2, 2021
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 2, 2021


Dear Chief Acosta,


Ikakasal dapat ang aking kapatid sa kanyang nobyo nitong nakaraang buwan. Subalit, hindi natuloy ang kanilang kasal dahil nagbago ang isip ng kanyang nobyo. Mayroon pa rin bang bisa ang pinirmahan nilang marriage settlement? Mayroon bang partikular na probisyon kasi roon sa napirmahan nila tungkol sa donasyon nila sa isa’t isa. - Ghina


Dear Ghina,


Ang babae at lalaki na nasa hustong gulang na nais magpakasal ay maaaring magkaroon ng kasulatan bago ang araw ng kanilang mismong kasal tungkol sa kanilang magiging relasyon kaugnay sa ari-arian o property relationship. Ang kasunduan na ito ay tinatawag sa ating batas na marriage settlement.


Sa marriage settlement ay maaaring magsaad ang mga partido ng kanilang magiging donasyon sa isa’t isa bunsod ng kanilang magiging kasal. Subalit nais naming bigyang-diin na hindi magkakaroon ng bisa ang naturang marriage settlement kung hindi natuloy ang kasal, bagaman ang mga probisyon na nakasaad sa marriage settlement na hindi dumedepende sa pagkakaganap ng kasal sa pagitan ng mga partido nito ay mananatiling balido. Ito ay alinsunod sa Article 81 at 82 ng Executive Order No. 209 o mas kilala bilang The Family Code of the Philippines na malinaw na nagsasaad ng sumusunod:


“Art. 81. Everything stipulated in the settlements or contracts referred to in the preceding articles in consideration of a future marriage, including donations between the prospective spouses made therein, shall be rendered void if the marriage does not take place. However, stipulations that do not depend upon the celebration of the marriages shall be valid.

Art. 82. Donations by reason of marriage are those which are made before its celebration, in consideration of the same, and in favor of one or both of the future spouses.”


Sa sitwasyon na inilapit mo, magiging mainam na basahin ninyong maigi ang nilalaman ng kanilang marriage settlement upang higit na makasiguro kung ito ba ay walang bisa o may bisa. Batay sa mga nabanggit na probisyon ng ating batas, masasabing walang bisa ang donasyon na napagkasunduan ng iyong kapatid at kanyang nobyo kung itinakda nila ito dahil sa kanilang dapat sana ay magiging pag-iisang dibdib. Mananatili lamang balido ang naturang donasyon kung hindi ito dumedepende sa pagkakaganap ng kanilang kasal.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page