top of page

ALAMIN: Iba’t ibang uri o klasipikasyon ng estafa o swindling

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 23, 2021
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 23, 2021



Dear Chief Acosta,


Nagkaroon ng kasunduan ang kapatid ko at isa naming kapitbahay na magbibigay ng pera ang huli na siyang gagamitin ng kapatid ko sa negosyo. Sa kasamaang-palad, nagkaroon ng problema ang negosyo na pinasok ng kapatid ko, kung kaya’t hindi niya maibalik ang pera ng kapitbahay namin na ayon sa napagkasunduan nila. Nabalitaan namin na kakasuhan diumano ng reklamong estafa ang kapatid ko. Maaari ba iyon?


Mayroon bang batas tungkol dito? – Alicia


Dear Alicia,


Mayroong iba’t ibang paraan upang magawa ang estafa o swindling at isa na ang panloloko sa pamamagitan ng paggamit ng pera na ibinigay o inilaan para pangasiwaan na nagdulot ng pinsala sa may-ari nito. Para higit na mas maintindihan, ang batas na nakasasaklaw rito ay ang Article 315 ng ating Revised Penal Code (RPC), as amended by Section 85 ng Republic Act (R. A.) No. 10951:


“Art. 315. Swindling (estafa). — Any person who shall defraud another by any of the means mentioned herein below x x x:


1. With unfaithfulness or abuse of confidence, namely x x x

(b) By misappropriating or converting, to the prejudice of another, money, goods, or any other personal property received by the offender in trust or on commission, or for administration, or under any other obligation involving the duty to make delivery of or to return the same, even though such obligation be totally or partially guaranteed by a bond; or by denying having received such money, goods, or other property. x x x”


(Binigyang-diin)


Sa sitwasyong nabanggit ninyo sa inyong sulat, malinaw na mayroong pera na ipinagkatiwala ang kapitbahay ninyo sa inyong kapatid na hindi maibalik ng huli sa itinakda nilang panahon. Subalit mahalagang bigyang-diin na upang managot ang kapatid ninyo para sa krimen na estafa alinsunod sa nabanggit na probisyon sa itaas ay kinakailangang mapatunayang sadyang hindi naging tapat ang kapatid ninyo sa kasunduan nila o inabuso niya ang tiwala na ibinigay sa kanya ng inyong kapitbahay sa pamamagitan ng paggamit ng nasabing pera para sa pansarili niyang kapakanan at ito ay nagdulot ng pinsala sa kapitbahay ninyo.


Kung hindi mapatunayang mayroong estafa na nagawa ay maaaring habulin ang kapatid ninyo ng inyong kapitbahay para sa obligasyon nito na magbayad sa pamamagitan ng paghahain ng kasong sibil para sa kasong small claims o kaya naman ay Collection of Sum of Money, depende sa kabuuang halaga na sinisingil ng huli.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page