Alam na this! DINGDONG, TODO-PASALAMAT KAY VP LENI NANG MAGKA-COVID
ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 26, 2022

KUNDI pa pinasalamatan ni Dingdong Dantes ang presidentiable na si VP Leni Robredo sa ipinadala nitong COVID-19 Care Package, hindi pa namin malalaman na nagka-COVID pala ang Dantes family at ang kanilang mga kasambahay.
"Isa rin sa mga mahalagang natanggap namin ay 'yung COVID Care Package ng Office of the Vice President," sabi ni Dingdong sa Facebook video message niya sa last day ng kanyang quarantine.
Kahit kayang-kaya namang bumili ni Dingdong ng ganu'n, sabi nga, it's the thought that counts at malaking tulong sa kanila nu'ng mga panahong 'yun ang ipinadala ni VP Leni lalo't hindi sila makalabas ng bahay.
Kaya naman hindi na namin ipagtataka kung ibalik man ni Dingdong ang suporta kay VP Leni sa pagtakbo nitong pangulo sa 2022 elections dahil sa pagpapakita ng concern at pag-aalala para sa kanyang pamilya.
"Maraming-maraming salamat sa OVP at siyempre kay VP Leni sa COVID Care Package na ipinadala ninyo, very, very helpful," sabi pa ni Dingdong.
Samantala, pinayuhan din ng aktor ang mga Pilipino na mag-isolate agad kapag nakaramdam ng mga sintomas ng COVID-19.
Sa ngayon, balik-trabaho na si Dingdong at siguro naman, hindi lang doble kundi tripleng pag-iingat pa ang gagawin nito matapos tamaan ng virus.
Oks lang daw kahit galing sa sabong…
GRETCHEN, NAMUDMOD NG TRAK-TRAK NA BIGAS SA IBA'T IBANG OSPITAL
FOR sure ay abot-tenga ang ngiti at masayang-masaya ang mga staff and employees ng San Lazaro Hospital at St. Luke's Global sa Taguig dahil sa natanggap na ayudang saku-sakong bigas mula sa tinagurian ngayong "Earth Angel" na si Gretchen Barretto.
Nakita namin ang picture ng truck-truck na sako ng bigas na idineliver sa San Lazaro Hospital nu'ng Friday at gayundin sa St. Luke's Global last Sunday at talaga namang mapupuri mo si La Greta dahil kahit hindi naman siya kandidato sa 2022 elections, eh, dinaig pa niya ang mga tumatakbo na puro pangako ang kayang ibigay, samantalang si Gretchen, ayan na, ilalaman na sa tiyan ang dala.
Kaya naman sobrang laki ng pasasalamat ng resident doctor ng San Lazaro na si Dr. Cherry Abrenica kay Gretchen dahil year 2014 o 2015 pa raw yata nagsimulang magbigay ng tulong ang aktres sa kanilang ospital.
Dahil sa ibinigay na 1,328 sacks of rice para sa buong healthcare workers ng ospital, nagpasadya ng imahe ni San Lazaro si Doc Abrenica na hindi raw nabibili sa kahit saang religious stores bilang pasasalamat nila sa palaging pag-alala at pagtulong sa kanila ni Gretchen.
At mabuti na lang din, nandiyan lagi ang mga trusted friends ni La Greta tulad ng aming kasamahang si Francis Simeon at ang dating aktres na si Ms. Ana Abiera, gayundin sina Mr. Rusky Fernandez ng Resorts World Manila na naghatid naman ng 3,406 sacks of rice sa mga employees ng St. Luke's Global, kasama ang mga maintenance and security personnel, bukod sa mga medical frontliners.
Sa St. Luke's Global kasi na-confine at gumaling ang Mommy Inday ni Gretch at mga kapatid nito nang magkaron ang Barretto matriarch ng COVID-19, kaya malaki ang pasasalamat ni Earth Angel sa mga empleyado ng naturang ospital.
Kahapon naman (Martes) ay sa Philippine General Hospital o PGH naka-sked na magbigay ng ayuda ang Team G ni La Greta. Lahat din ng employees and medical frontliners ay tatanggap ng bigas na aabot sa 1,800 na sako.
Ang susunod na tatlong ospital na makatatanggap din ng special gift na bigas mula kay Gretchen ay ang St. Luke's Hospital at National Children's Hospital sa Quezon City, at ang National Center for Mental Health o NCMH sa Mandaluyong City.
Ilang ospital pa ang naka-lineup upang mabigyang ligaya rin ni Gretchen, dahil para sa kanya, higit lalo ngayong hindi pa tapos ang pandemya, "Love is essential."
Tinanong namin ang isang close kay Gretchen sa tanong ng bayan kung totoo nga bang sa sabong galing ang ayudang ipinamimigay nito at ang sagot sa amin, "Eh, kung sa sabong man, at least ipinamamahagi niya, 'di tulad ng mga nagnanakaw sa kaban ng bayan na sino-solo lang."
Ooooh, in fairness, may tama siya!!! Charot!
At sabi pa ng close friend ni La Greta, suportado naman ni Mr. Tony Boy Cojuangco ang pamumudmod ng ayuda ni Gretchen dahil pera naman daw nito ang ginagamit.
Bigas, food packs at yero…
BONG, NAGBIGAY NG AYUDA SA MGA BIKTIMA NG ODETTE
BUKOD kina Willie Revillame at Gretchen Barretto, kilala rin sa pamimigay ng ayuda si Sen. Bong Revilla, Jr., na habang hinihintay ang pagbabalik-taping niya sa Agimat ng Agila, inikot na ang mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.
Ang huli niyang pinuntahan ay ang Siargao at Dinagat Islands nu’ng Huwebes (January 20).
Sa ilalim ng Kaagapay sa Araw ng Pangangailangan-Bayanihan Relief (KAP-BR), namahagi sina Sen. Bong ng food packs at yero para sa gagamiting bubong sa mga nawasak na tahanan ng mga tagaroon.
Libu-libong food packs at bigas din ang ipinamigay nila at sampung libong yero.
Itinurn-over nila ang malaking bahagi ng tulong na 'yun sa Dapa Command Center at tinanggap ni Pilar Mayor Liza Resurrecion na LMP president din ng Surigao del Norte.
Natuwa ang mga taga-Siargao at Dinagat Islands dahil naroon din si Davao Mayor Sara Duterte na tinanggap din ang chairmanship ng Lakas-Christian Muslim Democrats.
Kasama rin nilang nag-ikot at namahagi ng tulong ang first nominee Agimat Partylist na si Bryan Revilla.
Sa Dinagat Island, sinalubong ang grupo ni Sen. Bong nina Congressman Alan Ecleo at Vice Governor Nilo Demery. Kaagad namang na-turn over ang mga food packs at yero.
Bitin pa raw 'yun kaya nangako si Sen. Bong na 'pag nakapag-ipon siya muli ng yero, bigas at food packs, babalik siya para mabigyan ang ibang kababayang sobrang apektado ng bagyong Odette.





Comments