Aktor, goodbye Belle na… SHUVEE, PUWEDE NA KAY DONNY
- BULGAR

- May 1
- 4 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | May 1, 2026

Photo: FB Shuvee Etrata & Donny Pangilinan
Ikinalungkot ng mga fans ng tambalang DonBelle nina Donny Pangilinan at Belle Mariano ang inamin ng dalawa sa podcast ni Bianca Gonzalez na Paano Ba ‘To? na maghihiwalay na sila matapos ang kanilang first movie na Tayo Sa Wakas.
Hindi naman daw permanent ang kanilang paghihiwalay bilang love team, pahinga lang at ipagpapatuloy nila ang kani-kanilang career para lalo silang mag-grow on their own.
Komento ng mga na-brokenhearted na fans…
“Come what may, it’s up to them. May kani-kanyang priority in life. Let them grow individually. There’s always the right time for everyone.”
“Guess it’s time to break up the DonBelle love team and start a new chapter in their individual books.”
Sabi naman ng isang fan, “May pag-asa na si Shuvee (Etrata).”
“I’ve watched the podcast from start to finish and there wasn’t a word final at all nor did it mention it would mark as their last project. Don’t forget the most important words, for now.
They didn’t say also that there aren't any future projects lined up for them.”
“Maghihiwalay sina DonBelle for now and they will grow individually. They will come back again ‘pag ready na sila o matured na, but their relationship is strong.”
“Oo, pahinga lang as of now. Sa sobra kasing toxicity, kailangan nilang magpahinga. Baka gusto ni Donny na magka-time dahil sabi n’ya noon na gusto n’yang mag-aral ng cinematography. Si Belle naman, gustong maging director. No one knows. ‘Di natin sila puwedeng pangunahan. Ang kagandahan sa kanila, pinag-uusapan talaga nila ang problema at ‘di nila hinahayaang ‘di masolusyunan.”
Ganern!
PRANGKA ang naging reaksiyon ni Robin Padilla sa pagganap niya bilang Muslim sa seryeng Blood vs. Duty (BVD) na pinagbibidahan nina Gerald Anderson at Richard Gutierrez.
Nagpasalamat siya sa ABS-CBN sa pagpapakita ng balanse at magalang na paglalarawan sa mga Muslim na Pilipino. Binigyang-diin niya ang potensiyal ng palabas para sa kapayapaan at kamalayan sa buong bansa.
Sa mensahe ng senador, ipinaabot niya ang kanyang pasasalamat sa network at sa production team ng serye.
Aniya, “Ako po ay nagpapasalamat sa pamunuan ng ABS-CBN at sa buong produksiyon ng Blood vs. Duty na teleserye sa pangunguna nina Richard Gutierrez at Gerald Anderson.
“Bilang tagapangulo ng mga komite ng Senado sa Public Information and Mass Media, pati na rin ng Cultural Communities at Muslim Affairs, isang karangalan po sa akin ang mapasama sa makasaysayang teleserye na ‘to.
“Ako po ay nagpapasalamat nang buong-puso sa balanseng paglalahad ng istorya patungkol sa buhay ng mga kababayan ninyong Filipino Muslim. Ang malinaw na pagpapakita ng aming pananampalatayang Islam ay ginintuan sa aming mga mata.”
Binigyang-diin din ni Sen. Padilla na ang pagpapakita ng mga katutubong tradisyon at mga pagpapahalaga ng komunidad ay nakakatulong sa mas malawak na pag-unawa sa kultura at pagkakaisa.
Dagdag pa niya, “Ganu’n din ang mga tradisyong katutubo ng mga tribo patungkol sa pamilya at komunidad ay kayamanan ng ating bayan sapagkat isa itong kaalaman ng pangkalahatan at magbibigay ito ng malawakang pagkakaintindihan tungo sa inaasam nating kapayapaan sa ating bansa.
“Ang pagiging inclusive ng ABS-CBN ay isang malaking hakbang hindi lamang sa entertainment media kundi sa lahat ng sangay ng mass media. In shaa Allah (kung loloobin ng Diyos) ay maging daan ang teleserye na ito upang magkaroon ng salamin ang ating mga kababayan sa mga tunay na ganap sa ating bayan.”
Ito ang unang beses na pag-appear ni Sen. Robin Padilla sa isang teleserye pagkatapos ng ilang taon niyang pamamahinga sa showbiz.
Vincent, napakabait daw…
DIMPLES, HAPING-HAPI PARA KAY BEA
NAGSALITA na si Dimples Romana tungkol sa nababalitang kasal nina Bea Alonzo at Vincent Co.
Matagal nang magkaibigan sina Dimples at Bea. Umusbong ang kanilang pagkakaibigan nang magsama sila sa pelikulang One More Chance (OMC). Sa paglipas ng mga taon, napanatili nila ang ugnayan sa isa’t isa.
Ayon sa aktres sa isang panayam, “Ang ganda ng friendship ko with my friends in showbiz. Lagi nilang sinasabi dati, parang mahirap daw magkaroon ng mga kaibigan sa negosyo. I disagree kasi kami nina Angel Locsin, 18 years,” pagbabahagi ni Dimples.
Halos 25 taon naman daw silang magkaibigan ni Bea.
“Labing-anim (16) na taong gulang ako noong una ko siyang nakatrabaho sa Kay Tagal Kang Hinintay at hanggang ngayon ay nasasabik akong maging bahagi ng kanyang paglalakbay,” pakli ng aktres.
Sa panayam, tinanong din si Dimples kung napagkuwentuhan ba nila ni Bea ang buhay-may-asawa. Ibinahagi ng aktres-host na marami na siyang naibahagi sa Kapuso actress, pero ayaw niya itong ilahad sa publiko.
“Hahaha! Baka magalit naman sa akin at masira pa ang friendship namin,” pakli niya.
Sinabi niya na dahil sa kanilang pagkakaibigan, hindi mag-aalangan si Bea na magbahagi ng ilang bagay sa kanya.
Sey niya, “Pero gusto ko lang malaman mo na napakasaya n’ya, at sa tingin ko, ‘yun lang naman ang gusto mo para sa isang kaibigan. Ilang beses ko nang nakilala si Vincent (Co), at napakabait n’yang tao. Mahal na mahal ko s’ya.”
Sinabi rin ni Dimples na magkasundo si Vincent at ang kanyang asawang si Boyet.
May mensahe rin siya sa kaibigang aktres, “Bea, mahal na mahal kita. Anuman ang panahon ng buhay mo, nandito lang ako palagi para sa ‘yo at lagi akong nagdiriwang ng iyong mga kagalakan kasama ka.”
Samantala, may nagsiwalat kamakailan na ang kasal nina Bea Alonzo at Vincent Co sa Spain ay magaganap sa Mayo 14, dalawang araw na mas maaga kaysa sa naunang espekulasyon na Mayo 16.
Nadismaya naman ang mga netizens dahil wala namang sinabi si Dimples Romana kung nauna na ngang nagpakasal sa Pilipinas ang dalawa.





Comments