top of page

Aksidente sa kalsada, palala nang palala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 3
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 3, 2025



Boses by Ryan Sison

Nakakabahala na kung sa bawat sakunang dulot ng pampublikong sasakyan katulad ng mga aksidente, pagkamatay, suspensyon ay paulit-ulit na lang, natututo ba talaga ang industriya at nagkakaroon ng hustisya ang mga nabiktima?


Isang trahedya na naman ang yumanig sa kalsada — nasa 12 ang kumpirmadong patay at mahigit 27 ang sugatan matapos ang karambola ng mga sasakyan sa SCTEX Toll Plaza sa Tarlac City. Ang salarin, ay isang pampasaherong bus, na umano’y nawalan ng kontrol at bumangga sa isang SUV, na siya namang tumama sa iba pang nakahintong sasakyan. 


Bilang agarang tugon, sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 15 unit ng Solid North sa loob ng 30 araw. 


Bukod dito, inatasan din ang kumpanya na isailalim sa safety seminar ang kanilang mga drayber, magsasagawa ng mandatory drug testing, inspeksyon sa mga yunit, at ang pagsumite ng mga dokumentadong ebidensya ng mga ito. Ipinag-utos din ang pagsurender ng mga plaka ng mga suspendidong bus. 


Hindi sapat ang panandaliang preventive suspension bilang sagot sa malalaking trahedya. Kung tutuusin, bawat biyahe ng bus ay may kaakibat na pananagutan sa buhay ng mga pasahero at motorista. 


Ngunit sa rami ng naitatalang aksidente taun-taon, tila ba mas inuuna pa ng ilang operator ang kita kaysa kaligtasan ng sakay ng kanilang mga bus. 


Ang masaklap pa, ang bus na sangkot sa aksidente ay sa ilalim ng corporate merger subalit hindi dapat maging dahilan ito para malusutan ang kanilang responsibilidad. Sa halip, dapat itong pagtuunan ng pansin — dahil habang lumalaki ang kanilang operasyon, mas malawak din ang epekto kapag sila’y pumalya. 


Kaya naman kung nais ng LTFRB at Department of Transportation (DOTr) na matigil ang ganitong madugong serye ng kapabayaan, hindi lamang suspensyon ang sagot.


Kailangang higpitan ang licensing, regular na i-audit ang driving records, at gawing mas mahigpit ang penalty sa mga operator na paulit-ulit na nasasangkot sa aksidente. 


Ang buhay ay hindi dapat nagtatapos sa toll plaza. Panahon na para ang mga kumpanya ng transportasyon ay hindi lang magbigay-serbisyo, kundi maging tunay na tagapangalaga ng kaligtasan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page