Agaw-eksena ang bangayan ng magkakapatid sa pulitika
- BULGAR

- May 11, 2025
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | May 11, 2025

Umaagaw ng eksena ngayon ang hindi na mapipigil na “sigalot” sa pagitan ni Sen. Imee Marcos at ng kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos (PBBM).
Marami ang tumaas ang kilay, pero iyan ay normal at ordinaryong bahagi ng buhay.
----$$$--
HINDI naman naiiwasan ang gusot sa magkakapatid lalo na sa magpipinsan o mismo sa magbabayaw, maghihipag at magbibilas.
Iyan mismo ang nararanasan ni Sen. Imee.
----$$$--
TANDISANG ibunyag ni Sen. Imee na hindi “Marcos” ang may control sa Malacanang, bagkus ay “Romualdez” at “Araneta”.
Ano ang implikasyon nito at ano ang mabubuong impresyon sa publiko?
-----$$$--
MASELAN ang akusasyon dahil ibig sabihin, ang nagmamaneho sa takbo ng bansa — ay hindi iisang tao at hindi rin “elected president”.
Napakabigat!
----$$$--
HINDI ordinaryo ang sitwasyon ng magkapatid na Marcos, dahil ang mismong magkapatid na Binay ay ‘yan din mismo ang eksena.
Sinabi umano ni Makati City Mayor Abby Binay na mas nanaisin niya na matalo sa Senado kaysa manalo ang kapatid na si Sen. Nancy Binay na tatakbo bilang mayor ng Makati City.
-----$$$---
TILA ‘much better’ pa kay Mayor Abby na mabigong makapasok sa Senate Magic 12 kaysa manalo si Sen. Nancy laban sa mister ng alkalde na si Atty. Luis Campos sa mayoralty race ng Makati.
Sa kanyang speech, sinabi ni Mayor Abby na pumunta siya sa rally upang ikampanya ang Team United na pinamumunuan ng kabiyak na si Atty. Campos.
----$$$--
INIHAYAG nito na kahit hindi nila iboto ang sarili bilang senador, basta iboto lamang ang straight Team United kontra sa grupo ni Sen. Nancy.
Tumatakbo naman si Sen. Nancy sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA), ang partidong itinayo ng ama nilang si dating Vice President Jejomar Binay.
----$$$--
“ANDITO ako sa pagbigay ng suporta sa Team United. Sasabihin ko ito, kahit huwag n’yo na akong iboto, iboto n’yo na lang straight ‘yung Team United. Ganito po ka-importante sa akin ang Team United,” pagdidiin ni Mayor Abby.
Sinabi pa nito na huwag na rin siyang ikampanya sa Makati City dahil mas importante sa kanya na manalo ang buong slate ng Team United.
----$$$---
NILINAW ng Makati mayor na bonus lamang ang kanyang pagtakbo sa Senado na hindi naman nito ikamamatay (sakaling matalo).
Gayunman, mas gugustuhin niyang makitang manalo ang kabiyak kaysa manalo ang kapatid na si Sen. Nancy.
Ganu’n talaga!
-----$$$--
SAKALI namang magwaging senador, tiniyak ni Mayor Abby na “makikipag-away” ito hinggil sa nangyari sa 10 barangay ng EMBO na ibinigay ng Supreme Court sa Taguig City.
“Lagi n’yong maririnig ang boses ng isang senador na taga-Makati. Lagi n’yo akong makikitang makikipag-away doon. Feeling ko nga parang ninenerbiyos na sila,” ayon kay Abby.
-----$$$---
Nakakalungkot ang pulitika sa Pilipinas, hindi lang talamak ang vote-buying ng magkakabilang kampo, kaliwa’t kanan din ang patayan at pananambang.
Pero, ang pinakamabigat, nag-aaway-away ang iisang pamilya, mag-iina, mag-aama, magpipinsan — at higit sa lahat -- magkakapatid tulad ng mga Marcos at mga Binay.
Sa kabila nito, ipagdasal natin ang payapang eleksyon bukas, Mayo 12.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments